Home NATIONWIDE Malakanyang, nagtataka rin sa ‘Team Grocery’ fund recipients ni VP Sara

Malakanyang, nagtataka rin sa ‘Team Grocery’ fund recipients ni VP Sara

MANILA, Philippines – MAGING ang Malakanyang ay nagtataka sa mga pangalan na kahawig o kapareho ng mga groceries sa listahan ng recipients ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP).

“Hindi lang po siguro ang Palasyo ang medyo nagtataka, siguro lahat po ng—ang taumbayan mismo ay nagtataka kung bakit ganito ang mga resibo na naibigay ng OVP,” ang sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary Claire Castro.

Kaya nga ipinauubaya na ng Malakayang sa Kongreso kung gagamitin ito sa impeachment trial ni VP Sara.

“At ito pong mga ebidensiya po na iyan ay ilalaan na lang po natin at ipapaubaya natin sa House of Representatives at sa Senado kung ito ay gagamitin man sa impeachment trial,” aniya pa rin.

Sa ulat, lumutang na rin ang ‘Team Grocery’ na kinabibilangan ng mga pampano, harina, kasim, bacon sa listahan ng mga pinekeng pangalan na iniuugnay sa umano’y iregularidad sa paggamit ng P500 milyong confidential fund ni Vice President Sara Duterte sa OVP.

Ito ang ibinulgar kahapon ni House Deputy Majority Leader Paolo Ortega V ng La Union kaugnay ng masusing pagsusuri sa mga acknowledgement receipts na isinumite ni VP Sara sa Commission on Audit (COA).

Una nang nakalkal ng House prosecution team ang mga pangalang chichirya, cellphone, prutas sa Dodong Gang at Team Amoy Asim sa confi funds ng OVP.

Inihayag ni Ortega na nagpatibay ito sa hinala na malaking halaga ng public funds ang inilista sa mga gawa-gawang pangalan na nabahaginan ng confidential funds ni VP Sara.

Sinabi ni Ortega na ang mga lumutang na mga bagong pangalan ay mga food items naman sa pangunguna ni “Beverly Claire Pampano,” o ang popular na isda na mabibili sa mga palengke sa buong kapuluan. Nasa listahan din ang Mico Harina  na ang apelyido ay pangunahing sangkap sa paggawa ng tinapay at mga native pastries.

Pinuna rin ni Ortega ang mga pangalang Patty Ting, Ralph Josh Bacon na mga sangkap naman sa burger staples habang ang Sala Casim ay kasim ng baboy na ginagamit sa paggawa ng adobo at menudo.

“Mukhang listahan po ng mga bibilhin sa palengke o grocery ang mga bagong pangalang nakita natin,” ayon pa kay Ortega. Kris Jose