MANILA, Philippines- Sinabi ng Malakanyang na gagawin nito ang lahat ng makakaya at lahat ng legal remedies matapos na ibasura ng Court of Appeals ng Timor-Leste ang extradition request ng Pilipinas laban kay dating Negros Oriental Rep. Arnolfo “Arnie” Teves Jr.
“Hangga’t makakaya ng administrasyon, ilalaban natin ito para sa hustisya para sa mga diumano’y biktima,” ang sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro.
Si Teves ay nahaharap sa multiple murder charges sa Pilipinas, kaugnay nang pagpatay kay dating Negros Oriental Governor Roel Degamo at ilang residente roon noong Marso 2023. Nagtago si Teves sa ibang bansa hanggang sa matunton sa Timor Leste.
Kaagad namang hiniling ng pamahalaan sa Timor Leste na ma-extradite si Teves na pinaboran ng hukuman noong Hunyo 2024.
Hindi naman ito kaagad na naipatupad matapos na iapela ng kampo ni Teves. Disyembre 2024, muling inaprubahan ng hukuman sa Timor Leste ang extradition request ng Pilipinas, ngunit muli itong iniapela ng kampo ni Teves.
Winika pa ni Castro na tiniyak ng Department of Justice (DOJ) sa Timor Leste court na magiging ligtas si Teves habang nililitis sa Pilipinas.
Samantala, iaapela ng gobyerno ang naging pagbasura ng Court of Appeals ng Timor Leste sa extradition request ng Pilipinas laban kay Teves at ipakikita rito na dapat na ibalik ng Pilipinas si Teves. Kris Jose