Home OPINION MALAKING HAMON SA COMELEC

MALAKING HAMON SA COMELEC

PAPALAPIT ang halalan, wala tayong magawa sa ngayon kundi makisimpatya sa mga kaibigan natin sa Commission on Elections, sa pangunguna ni Chairman George Erwin Garcia, dahil sadyang sunod-sunod ang mga problema at reklamong natatanggap nila ilang araw na lang bago ang halalan.

Hindi nakatutulong ang determinasyon ng ilang kandidato na balewalain ang mahigpit na pagbabawal ng COMELEC hinggil sa ‘vote buying’ gamit ang palusot na ‘coordinators/poll watchers meeting/assembly’ ng mga botante.

Sa isyung ito, nasampahan ng reklamo sa COMELEC si Laguna Governor Ramil Hernandez at kanyang asawa kasabay ng petisyon na ‘i-disqualify’ sila (pero totoo kayang “umatras” na ang nagreklamo? Sa magkano, err, anong dahilan kaya?).

Sa Bulacan, Chairman Garcia, ‘massive vote buying’ din umano ang nangyayari sa kasalukuyan gamit pa rin ang palusot na ‘orientation’ at ‘coordinators’ meeting’ na karamihan sa naidokumento sa San Jose del Monte ay mga taga-suporta ni Gob. Daniel Fernando.

Sa bagong iskandalong ito, nabisto rin na kahit kandidato sa ‘patylist,’ “nanunuhol” na rin. Sanamagan!

Mainam siguro sa mga local COMELEC officers hindi lang sa Bulacan at Laguna, na “tumutok” sa ‘social media’ at huwag na silang magulat sa dami ng mga lumalabas na “resibo” hinggil sa hayagan at walang takot na panunuhol sa mga botante.

Mainam din siguro na batay sa mga ebidensiya at para mapatunayan na seryoso ang COMELEC, huwag nang maghintay pa ng ‘formal complaint’ at bagkus ay agaran nang isyuhan ng ‘show cause order’ o ‘SCO’ ang mga naidokumento ng ating mga ‘netizen, kasabay ng imbestigasyon laban sa mga mandaraya.

Sa “higpit” ng “labanan” ngayong halalan lalo pa sa lokal, dapat ipakita ng COMELEC ang mabilisang aksyon sa mga “pasaway” na kandidato at mga tagasuporta nila.

Abangan!