Home OPINION MATUTUONG UMIWAS SA DISGRASYANG-KALSADA

MATUTUONG UMIWAS SA DISGRASYANG-KALSADA

LUMILITAW na swerte ang mga araw na walang disgrasyang sasakyang panlupa sa mga lansangan.

At siyempre pa, kung walang disgrasya, wala ring napipinsalang buhay at ari-arian.

Pero nakagugulantang at nakatatakot kung may mga disgrasya.

Lalo na kung may mamatay at masugatan at masiraan pa ng ari-arian.

Karaniwang mga nakamotorsiklo ang higit na namamatayan at nasusugatan kaysa sa mga four wheel at pataas na sasakyan.

Sa motorsiklo, bumangga ka man o ikaw ang bumangga, talo ka, kahit sa kapwa mo motorcycle rider lang.

DISGRASYA SA NAIA

Kakaiba ang disgrasya sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1.

Sa kuha ng CCTV, basta na lang umarangkada ang isang SUV at umararo sa ilang tao sa harapan niya at nahinto lang nang bumangga sa bangketa ito.

Dalawa ang namatay at tatlo ang nasugatan.

May sariling paliwanag ang drayber gaya ng isang sasakyang dumaan umano sa kanyang harapan at upang hindi mabangga iyon, nagpreno siya ngunit ang pedal ng gas ang naapakan nito.

Sa kabuuan, nagpapasalamat naman ang lahat at hindi iyon gawa ng terorismo.

Ngunit may kakaiba roon – ang pagkamatay ng isang paslit na naghatid sa kanyang ama para maging overseas Filipino worker.

Ngayon, doble sakit at lungkot ang naganap: Hindi natuloy ang pagluwas ng ama dahil kailangan niyang ipaglamay hanggang mailibing ang kanyang anak na babaeng paslit.

SA SCTEX MAY KAKAIBA RING PANGYAYARI

Hindi alam ng isang paslit din na namatay na ang kanyang mga magulang sa disgrasyang kumitil ng 10 katao at ikinasugat ng higit na marami pa sa karambola ng sasakyan sa toll gate sa SCTEX.

Paano kaya sasabihin ang mapait at malungkot na pangyayari sa bata?

Tiyak na magsasama-sama silang tatlo sa lamay: ang bata na buhay at magkatabing bangkay ng mga magulang sa dalawang kabaong.

Ayon sa drayber ng Solid North bus na bumangga sa mga sasakyan na nakahinto at nakapila sa toll gate, nakatulog siya.

At tiyak na medyo mabilis ang takbo ng bus dahil hindi nga niya namalayang tumatakbo ito hanggang magulantang na lang siya nang bumangga na ito sa mga sasakyang nakapila sa kanyang harapan.

ILANG PARAAN SA IWAS-DISGRASYA

Ayon sa mga awtoridad, unang hakbang na isinagawa ang pagsuspinde sa driver’s license ang mga tsuper ng mga sasakyan at pagpapahinto sa mga sasakyan ng mga ito na bumiyahe sa gitna ng imbestigasyon.

Titingnan din nila ang posibleng pagkakasangkot sa droga ng mga tsuper kaya isasailalim sila sa sapilitan o mandatory drug test.

Kung wala namang positibong resulta, tiyak na sisilip pa ang mga awtoridad ng ibang mga dahilan ng disgrasya at magkukunan ng leksyon na maging bahagi ng mga patakaran sa pagmamaneho.

Halimbawa, ang dahilan ng pagkaantok at pagtulog ng tsuper habang nagmamaneho ng Solid North bus.

Hindi kaya ganito rin ang nangyari sa tsuper ng SUV?

Dapat matutong matulog at magpahinga ang tsuper kung puyat at pagod siya.

Huwag ding iinom ng nakalalasing.

Ang mga tsuper ng mga kompanya at mga indibiduwal, kung wala silang droga, may maayos na tulog, may pahinga at hindi lasing, higit siyang ligtas, kasama ang iba, sa mga paraan sa iwas-disgrasya sa lansangan.