MANILA, Philippines – Asahan ang malaking pagbabago sa agriculture sector ng bansa sa susunod na dalawa hanggang apat na taon, sinabi ng Department of Agriculture (DA) nitong Biyernes, Setyembre 20.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon briefing, sinabi ni DA Assistant Secretary Arnel de Mesa na nagpapatuloy na ang ilang modernization at bagong proyekto para sa pagpapalakas ng agriculture production.
“You can expect in the next two to four years, there will be significant change sa ating buong agricultural economy and landscape,” ani De Mesa.
Sinabi pa niya na marami ring solar-powered irrigation projects ang popondohan sa susunod na taon habang ang bagong Philippine Pipe Irrigation Network System ay itinatayo para tulungan ang mas marami pang magsasaka.
“Lahat na iyong conveyance system natin naka-pipe na, hindi na iyong open canal para maging episyente at mas maging modern,” anang opisyal.
“Then iyong mga ating mga magsassaka mayroong tinatawag na hydrant — every one or two hectares, so they can easily control iyong kanilang mga farms,” dagdag pa.
Bukod sa irrigation improvement, binanggit din ni De Mesa ang paglalatag ng strategic ports sa 17 iba’t ibang lugar sa buong bansa para sa mas episyenteng pagbiyahe at distribusyon ng mga produkto, paglalagay ng cold storage at food terminals, policy transformations, at infrastructure projects.
Para naman sa unprogrammed projects, sinabi ni De Mesa na tututukan din ang mga lugar sa Mindanao, indigenous people, at iba pang rural areas sa bansa.
Dagdag ng DA na mayroon din silang World Bank-assisted projects, na mayroong P1.25 bilyong alokasyon para tumulong sa mas marami pang magsasaka partikular na sa Mindanao.
Ito ay ang Philippine Rural Development Project at scale up project; Fish Resiliency Core Project ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources; at Mindanao Inclusive Agri Development Project.
“Malaking bagay ito sa amin. Alam naman natin na priority ng ating pangulo, ng ating pamahalaan ang ating agri sector,” sinabi ni De Mesa. RNT/JGC