PAMPANGA, Philippines – Isang Malaysian national na person with disability (PWD) ang kumpirmadong nasawi matapos gumuho ang isang siyam na palapag na under-construction building sa Barangay Balibago bago magmadaling-araw noong Mayo 24.
Ayon sa Bureau of Fire Protection, nagpapatuloy ang maselang manual search and rescue operations sa kahabaan ng Teodoro Street dahil hindi pa matatag ang mga debris ng bumagsak na mixed-use structure.
Nakipag-ugnayan na rin umano ang rescuers sa ilang indibidwal na na-trap sa ilalim ng gumuhong gusali.
Sa datos ng Angeles City Disaster Risk Reduction and Management Office, nasa 24 katao na ang nailigtas hanggang alas-2:30 ng hapon noong Mayo 24 habang nagpapatuloy ang beripikasyon sa kabuuang bilang ng mga naapektuhan.
Samantala, sinabi ng City Social Welfare and Development Office na 35 indibidwal na ang nabigyan ng paunang tulong kabilang ang financial assistance, food packs, medical assistance, at psychosocial support.
Nagpadala rin ng rescue personnel at kagamitan ang Metropolitan Manila Development Authority o MMDA upang tumulong sa operasyon.
Ayon kay MMDA General Manager Don Artes, agad na nakipag-coordinate ang kanilang search and rescue team sa mga lokal na awtoridad.
Kabilang sa ipinadalang kagamitan ang K9 units, locator devices, power tools, at rescue cameras.
Dagdag ni Artes, inatasan ang MMDA personnel na pabilisin ang rescue operations dahil mahalaga ang mabilis na responde sa insidente. Magtatayo rin umano ng mobile command center sa lugar. RNT/MND