Home OPINION MALISYOSONG AKUSASYON SA LABIS NA BUDGET NG PHILHEALTH SA CHRISTMAS PARTY

MALISYOSONG AKUSASYON SA LABIS NA BUDGET NG PHILHEALTH SA CHRISTMAS PARTY

ITO ay paglilinaw ng Philippine Health Insurance Corporation sa malisyosong akusasyon ni Dr. Tony Leachon sa kanyang social media account tungkol sa diumano’y labis na budget ng PhilHealth para sa Christmas party.

Nais naming linawin na ang PhilHealth ay lubos na sumusunod sa direktiba ng Malacañang na gawing simple ang selebrasyon ng ahensya ngayong Pasko. Katunayan ay naglabas kami ng Management Advisory No. 2024-003 “Panawagan para sa simpleng pagdiriwang ng Pasko,” noong Nobyembre 25, 2024 na nag-utos sa lahat ng tanggapan kabilang ang mga regional office na magtipid sa pagsasagawa ng naturang aktibidad. Kinansela ng PhilHealth ang ilang aktibidad at ang mga naiipong pondo ay ido-donate sa mga naapektuhan ng mga bagyo kamakailan.

Ang listahan sa post ni Dr. Leachon ay hindi pa pinal, at ang mga ito ay para sa pagdiriwang ng ika-30 anibersaryo ng PhilHealth sa 2025 na isang milestone year. Sa temang “Panatag Kami Dito!”, ang mga aktibidad ay bi­lang paggunita rin sa National Health Insurance Month ayon sa Proclamation 1400. Ang mga aktibidad na ito ay pambuong taon at pambansa ang saklaw, at lalahukan ng mga empleyado, stakeholders, champions at advocates, at higit sa lahat ng mga miyembro.

Ang mga inaprubahang aktibidad ay makatwiran, binadgetan kasunod ng mga umiiral na limitasyon na itinakda ng gobyerno, at alinsunod sa RA 9184.

Ang mga aktibidad na ito ay naglalayong magkaroon ng makabuluhang pagdiriwang ng milestone year na ito, at gagamitin upang lalo pang hikayatin ang mga miyembro at stakeholders na palakasin ang interes at kamalayan sa maraming repormang ginagawa ng PhilHealth gaya ng pagpapahusay ng mga benepisyo ayon sa Universal Health Care law.

Pinapaalalahanan namin si Dr. Leachon na maging mas responsable at maingat bago maglabas ng anomang pahayag na maaaring makalito at magbunga ng hindi tamang pang-unawa mula sa publiko.

Aming tinitiyak sa publiko na nakatuon ang PhilHealth sa maingat ta masinop na pangangasiwa ng pondo ng mga miyembro.