BUHOS na buhos na ang banatan ng magkabilang kampo – dati at kasalukuyang administrasyon. Kapwa namumulitika ang magkabilang panig upang magwakwakan. Sa lahat naman ng laban, laging matira ang matibay.
Tulad na lang nang pagpuna ni dating Presidential spokesperson at abogadong si Salvador Panelo kung paano tinutustusan ni Marikina 2nd District Rep. Stella Quimbo ang kanyang maluhong pamumuhay, gayong isa lang siyang dating guro bago naging mambabatas.
Ang pagkwestiyon ni Panelo ay matapos kumalat sa social media ang larawan ng mambabatas mula sa Marikina na nakasuot ng mamahaling alahas at branded na mga bag na milyun-milyong piso ang halaga tuwing may pagdinig o sesyon ang Kamara.
“Iyong necklace, nakita ko sa social media, I forgot the name of the brand, pinalabas ang parehong necklace. Alam mo kung magkano iyong necklace, P1.72 million,” wika ni Panelo sa kanyang TV program na “Problema Mo, Itawag Mo Kay Panelo.”
“Lahat branded. Umaabot sa ilang milyon iyong suot niya,” dagdag pa niya, sabay banggit sa kuwestiyon ng mga netizen ukol sa kakayahan ni Quimbo na tustusan ang kanyang mga luho.
Ayon pa sa abogado, ang punto niya ay saan kinukuha ni Quimbo ang pera para sa kanyang luho gayong teacher ito na dating sumasakay lang sa tricycle o jeep at ngayon ay customized van na ang sinasakyan at syempre, may driver pa.
“Tapos, ang ganda ng mga suot. Saka, if you notice every time may congressional hearing, parang nagpa-fashion show siya. Para siyang laging aattend ng SONA,” giit pa ni Panelo.
Kaya nga ang netizens na nakakita ng mga post sa social media ay nananawagan umano sa Office of the Ombudsman na isailalim si Quimbo sa lifestyle check at imbestigahan kung may sapat siyang ari-arian para tustusan ang maluhong pamumuhay.
Naunang hiniling naman ni Vice President Sara Duterte sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na palitan si Quimbo sa miyembro ng komite sa budget hearing dahil hindi parehas ang pagtrato nito sa ikalawang mataas na opisyal ng pamahalaan.
Asahan na ang bwelta naman ni Quimbo kay VP Duterte at sa dating tagapagsalita ng ama ng huli na si Panelo. Batuhan na ng putik, Maganda yan dahil taumbayan ang makikinabang.