Home HOME BANNER STORY Mamamahayag na si Frenchie Mae Cumpio hinatulang guilty sa terror financing

Mamamahayag na si Frenchie Mae Cumpio hinatulang guilty sa terror financing

243
0

MANILA, Philippines — Hinatulan ng guilty sa kasong terror financing ang batang mamamahayag at radio broadcaster na si Frenchie Mae Cumpio, matapos ang halos anim na taong pagkakakulong sa isang provincial jail, sa kasong tinawag ng mga human rights group at isang UN rapporteur na isang “travesty of justice.”

Si Cumpio, 26, at ang dati niyang ka-roommate na si Marielle Domequil ay parehong napaiyak at nagyakapan matapos basahin ni Judge Georgina Uy Perez ng Regional Trial Court sa Tacloban ang hatol na nagkakaloob ng hanggang 18 taong pagkakabilanggo sa dalawa.

Inabsuwelto naman sila sa mas mababang kaso kaugnay ng ilegal na pag-iingat ng armas.

Mahigpit na binantayan ng mga lokal at internasyonal na grupo ang kaso, kabilang ang Clooney Foundation for Justice, na noong Oktubre ay kumuwestiyon sa matagal na detensyon ng dalawa dahil sa umano’y paulit-ulit na postponement at mabagal na takbo ng paglilitis.

Una nang sinabi ni UN Special Rapporteur Irene Khan na tila pagganti sa trabaho ni Cumpio bilang mamamahayag ang isinampang kaso laban sa kanya.

Naaresto sina Cumpio at Domequil noong Pebrero 2020 dahil sa kasong may kinalaman sa baril at granada na umano’y natagpuan sa kanilang tirahan.

Mahigit isang taon matapos iyon, idinagdag ang kasong terror financing na may posibleng parusang hanggang 40 taong pagkakakulong.

Mariing kinondena ng Committee to Protect Journalists (CPJ) ang desisyon ng korte.

“Ang katawa-tawang hatol na ito ay nagpapakita na walang laman ang mga pangako ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ipagtanggol ang kalayaan ng pamamahayag,” ayon kay Beh Lih Yi, Asia-Pacific director ng CPJ.

Dagdag pa niya, malinaw umano itong indikasyon kung hanggang saan kayang umabot ang mga awtoridad upang patahimikin ang mapanuring pamamahayag.

Sa labas ng hukuman, hinarangan ng riot police ang mga tagasuporta, kabilang ang ina ni Cumpio na si Lala, at hindi pinapasok sa loob ng courthouse grounds. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here