MANILA, Philippines – Usap-usapan ngayon sa kapulungan na tila todo-pursige ang isang mambabatas para itulak na maging testigo ang isang kontratistang nasasangkot umano sa kontrobersyal na flood control projects.
Ayon sa mga miron, kapansin-pansin ang kilos ng naturang kongresista, na umano’y gumagawa ng lahat ng paraan upang maisulong ang testimonya ng kontratista kahit marami ang nagdududa kung pasok ito sa mga kwalipikasyon bilang least guilty.
Pinagtataka ng ilan, hindi naman tungkulin ng isang mambabatas na magpasya kung karapat-dapat maging state witness ang isang tao. Sa ilalim ng proseso, rekomendasyon ng Department of Justice (DOJ) at pasya ng Korte ang may pinal na desisyon.
Dagdag pa ng mga bubuyog, tila lumalabo rin ang kredibilidad ng usapan dahil hindi na nababanggit ng mambabatas ang pangalan ng kontratista sa kanyang mga talumpati at panayam.
May mga bulung-bulungan pa na may naging “ayusan” umano sa pagitan ng dalawang panig, at sinasabing ang anak ng mambabatas ang nagsilbing tulay sa kasunduan.
Akala tuloy ng marami na totoong totoo ang paghahanap ng katotohanan sa pagiging bahagi ng mambabatas sa anumang pagdinig ng kapulungan ukol sa usapin ng korupsyon subalit sa likod pala nito ay isang hiwaga ng aregluhan.
Sa mga espekulasyong ito, tanong ng publiko: simpleng pagkakamali lang ba ng isang abalang mambabatas, o may mas malalim na dahilan sa likod ng kanyang pagiging aktibo sa usaping ito? RNT