Home NATIONWIDE Manila Bay reclamation projects bubusisiin sa Kamara

Manila Bay reclamation projects bubusisiin sa Kamara

MANILA, Philippines – Nananawagan ang mga mambabatas mula sa Anti-Crime and Terrorism Community Involvement and Support (ACT-CIS) Party-list na busisiin ng Kamara ang reclamation projects sa Manila Bay kasunod ng mga pangamba ng posibleng epekto nito sa ekonomiya, kapaligiran, mga tao at seguridad.

Inihain nina Representatives Erwin Tulfo, Jocelyn Tulfo, at Edvic Yap ang House Resolution No. 1171 nitong Martes, Agosto 8, na nananawagan sa nararapat na mga komite, kabilang ang Committee on National Defense and Security, at Committee on Ecology — na imbestigahan ang status ng proyekto at alamin ang epekto nito sa kapaligiran, maging ang pagsunod ng mga ito sa batas.

“The preservation and security of our nation are of paramount importance, and any activity that may impact our national security requires scrutiny,” sinasabi sa resolusyon.

Idinagdag din ng mga mambabatas na bagama’t ang land reclamation ay, “may offer potential economic benefits and development opportunities, it also raises concerns about its environmental impact, such as the alteration of coastal processes, and the possible effects on water quality and marine biodiversity.”

Binanggit din nila ang naunang pagpuna ng United States Embassy sa Maynila sa kaugnayan ng Chinese firm sa reclamation project na sangkot din sa konstruksyon at militarisasyon sa artificial islands ng pinag-aagawang West Philippine Sea.

Noong nakaraang Biyernes, sinabi ni Environment Secretary Maria Antonia Yulo-Loyzaga na pinag-aaralan na ng kanyang ahensya ang posibilidad ng pagsuspinde o pagbawas sa reclamation activities sa Manila Bay.

Samantala, sinabi naman ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Lunes na ang reclamation projects ay under review.

“Under review ang lahat ng reclamation. ‘Yung isa lang ang natuloy dahil na-review na,” ani Marcos sa situation briefing sa Bulacan.

“Maraming problema. Marami kaming nakita na hindi masyadong magandang patakbo. But anyway, isa pang malaking problema na kailangan ayusin ‘yan…Wala na ngang ano eh, ‘yung Roxas Boulevard wala na ‘yung dagat eh, mawawala ‘yung dagat,” dagdag pa ng Pangulo.

Ani Loyzaga, magsasagawa rin ng impact assessment ang grupo na pinangungunahan ng Filipino scientists upang alamin ang epekto ng reclamation projects sa Manila Bay. RNT/JGC