Home NATIONWIDE Manning agency ng pinalayang seafarers sa Malaysia tatalupan ng DMW

Manning agency ng pinalayang seafarers sa Malaysia tatalupan ng DMW

MANILA, Philippines- Nakatakdang magsagawa ang Department of Migrant Workers (DMW) ng sarili nitong imbestigasyon sa licensed manning agency (LMA) at shipowner na tumanggap sa walong Filipino seafarers na naditine, at kalaunan ay pinalaya sa Malaysia, upang matukoy ang pananagutan, at palakasin ang proteksyon sa para sa overseas Filipino workers (OFWs).

“May imbestigasyon kung anong nangyari talaga lalo na’t nauna pang makalabas ang may kasalanan sa lahat,” pahayag ni Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac nitong Martes.

“Tinatanong palagi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kung kumusta na sila at kanilang pamilya. Kaya’t ganon na lang ang aming pagsubaybay sa kapakanan ng bawat OFW. Patuloy po kaming tutulong sa inyo,” giit ng opisyal.

“Sobrang na-appreciate po namin na di kami pinabayaan ng gobyerno natin kasi ngayon lang kami nakaranas ng ganon. Talagang ang sarap sa pakiramdam na di niyo kami pinabayaan. Sobrang salamat kasi hindi po biro, hindi namin alam kung mamamatay kami doon,” anang isa sa mga marino.

Sinabi ng DMW na walong Filipino seafarers, kasama ang 12 Indian, kapwa crew members ng crude oil tanker MT Krishna 1, ang naaresto at idinitene ng Royal Malaysian Police sa Kota Tinggi Police District Headquarters sa Johor noong April 11, dahil sa umano’y immigration offenses sa pagpasok sa Malaysia nang walang pasaporte at valid documents.

Agad nakipag-ugnayan ang Migrant Workers Office-Overseas Workers Welfare Administration (MWO-OWWA) Malaysia sa Kota Tinggi police authorities at tiniyak ang kapakanan ng mga marino.

Nakipag-ugnayan ang licensed manning agency at principal ng mga marino sa gitna ng police investigation at tiniyak ang patuloy na bayad sa sahod at mga benepisyo ng mga seafarer at kanilang mga pamilya.

Pinalaya sila noong April 18, at nakabalik sa bansa noong April 21. Nakatanggap sila ng financial assistance mula sa AKSYON Fund at learning vouchers ng Technical Education and Skills Development Authority para sa skills training para sa ibang job opportunities. RNT/SA