WALA sa radar ang balak dating Ilocos Sur Governor Luis “Chavit” Singson na level up sa political career kaya nang ihayag na tatakbong senador sa 2025 midterm elections, ang buong bansa ay nabulaga.
At kahit sino sigurong political guru ay hindi maiiwasang masorpresa sa karakarakang anunsyo na ito ng kilalang negosyante at long time Ilocos Sur governor.
Sa mga nakaraang interview kasi sa media ay sinabi ni Singson na wala siyang balak tumakbo sa ano mang posisyon – lokal man o nasyonal sa paparating na halalan.
Pero nagbago ang ihip ng hangin nang ideklara ni Manong Chavit na kakandidato siyang senador dahil sa endorsement ng Governors’ League at dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Noong 2017, nagpahayag din ng kagustuhang subukan ang Senado sa kondisyong mangyayari tio kapag si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang mag-e-endorso sa kanya. Iyon lang, hindi naman nangyari.
‘Di tulad sa balwarteng probinsya na kahit hindi mangampanya ay mananalo, ang pagtakbo sa Senado ng tinawag na political kingpin sa Norte ay maituturing na ‘Trek to Timbuktu’.
Tatakbong independiente minus political machinery, aba’y parang pumasok sa gubat na may mga dalang armas pero walang kasiguruhang makababalik ng buhay.
Hindi naman maikakailang bilyonaryo si Apo Chavit pero hanggang saan siya nito dadalhin kung walang kasama at mag-isa lamang na bumibiyahe para marating ang GSIS (Government Service and Insurance System) building.
Pero saganang akin, kung isaalang-alang ang expertise sa negosyo at karanasan bilang beteranong lingkod-bayan, si Singson ay tiyak na magiging asset sa Senado.
Nguni’t ang nakalapagtaka lang, bakit nais tumakbong senador na independent gayong bagyo ito kay Pangulong Bongbong Marcos na kung magpaeendorso ay tiyak na ‘di kayang ipahiya ng kapwa Ilokano.
Kung bakit? Si Manong Chavit lang ang makasasagot n’yan bagaman marami na rin ang nakaaalam. Abangan!