MANILA, Philippines- Itinalaga si Police Brig. Gen. Redrico A. Maranan bilang bagong direktor ng Police Regional Office 3 sa panibagong balasahan sa nakaapekto sa lima pang senior officers ng Philippine National Police (PNP).
Nauna nang sinabi ni PNP chief Gen. Rommel Francisco Marbil na nilalayon nitong punan ang mga posisyon na nabakante dahil sa pagreretiro ng ilang senior officers.
Papalitan ni Maranan, miyembro ng Philippine National Police Academy (PNPA) Class 1995, si Police Brig. Gen. Jose Hidalgo, Jr., na magreretiro sa Oct. 1.
Nagtapos si Maranan bilang cum laude sa PNPA at ginawaran ng Best in Oral Revalida in Masters in Business Administration sa Wesleyan University at nagtapos ng ikalawang Master’s degree na Public Management Major in Development and Security sa Development Academy of the Philippines.
Bilang alumnus ng PNPA, kinilala siya bilang Outstanding Alumnus para sa taong 1998, 2002, at 2011.
Nanguna rin siya sa Course Directors Training and Public Safety Officers Advance Course, (PSOAC).
Samantala, itinalaga naman ni Marbil si Police Col. Melecio Buslig, Jr. bilang bagong direktor ng Quezon City Police District.
Si Police Brig. Gen. Victor Arevalo ang bagong direktor ng PNP Training Service habang si Police Brig. Gen. Radel Ramos ang iniluklok na bagong pinuno ng Headquarters Support Service.
Manunungkulan naman si Police Brig. Gen. Jose Manalad, Jr. bilang bagong hepe ng Center for Police Strategy Management (CPSM) habang si Police Col. Ma. Sheila Portento ang bagong acting Dean of Academics of the PNP Academy.
“We need to immediately fill up the positions that would be vacated,” giit ni Marbil. RNT/SA