MANILA, Philippines — Pinagkalooban ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng absolute pardon si Mary Jane Veloso, ang Filipinang mahigit 14 na taong nakulong sa Indonesia matapos mahatulan sa kasong drug trafficking.
Ipinagkaloob na ni Marcos nitong Biyernes, Setyembre 25, ang absolute pardon kay Veloso, dalawang araw matapos kumpirmahin ng Malacañang na seryoso nitong ikinokonsidera ang pagbibigay ng pardon sa kanya sa humanitarian grounds.
Naaresto si Veloso sa Indonesia noong 2010 matapos makitaan ng 2.6 kilo ng heroin sa kanyang bagahe at kalaunan ay nahatulan ng kamatayan.
Nakatakda sana siyang bitayin noong 2015 ngunit ipinagpaliban ang execution matapos sumuko sa mga awtoridad sa Pilipinas ang babaeng inakusahan niyang recruiter niya.
Noong Disyembre 2024, ibinalik si Veloso sa Pilipinas sa ilalim ng kasunduan ng mga pamahalaan ng Pilipinas at Indonesia. Mula noon ay nanatili siya sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong City.
Nauna nang sinabi ng Malacañang na nakarating kay Marcos ang kahilingan para sa clemency at nasa Pilipinas na ang pagpapasya sa magiging kapalaran ni Veloso matapos ang kanyang transfer mula Indonesia. RNT