Home OPINION MARIJUANA USERS SA PINAS, SINO-SINO?

MARIJUANA USERS SA PINAS, SINO-SINO?

SINO-SINO ba ang mga gumagamit ng marijuana sa Pinas?

Tinatanong natin ito makaraang lumabas na talamak ngayon ang pagpasok ng marijuana mula sa ibang bansa at pagbebenta nito.

Ito’y sa kabila ng malaganap na taniman at pagbebenta nito mismo sa Pilipinas.

Sa ilang bahagi ng Mindanao at Cordillera ang karaniwang producer ng marijuana sa Pinas.

Kumpara sa mga lokal na marijuana, mas de-kalidad umano ang imported na tinatawag na kush.

EPEKTO SA TAO

Bago natin ipagpatuloy ang talakayan sa importasyon ng iligal at bawal na gamot na ito, magandang tingnan muna natin ang epekto nito sa tao kung sinisinghot o ginagamit ito.

Kahit saang anggulo ng pag-aaral dito, narito ang ilang delikadong problema o bunga ng marijuana.

Hirap ang isang tao sa pagmemorya at pag-aaral.

Mali ang pag-unawa sa naririnig o nalalaman.

Mahirap mag-isip at gumawa ng solusyon sa problema at watak-watak ang paggawa ng anomang bagay.

Heto pa.

Ang user, walang patutunguhan ang pakikipag-usap sa kanya; laging may nag-uudyok sa kanya para gumawa ng isang bagay; naiisip niyang higit na masama kaysa mabuti ang isang bagay; laging nalilito, kinakabahan, inaantok at tulala; at laging natataranta.

O kita ninyo ang epekto sa mga gumagamit at adik sa marijuana?

‘YANG IMPORTED

Kakukumpiska lang ng Bureau of Customs ang 132.3 kilo ng tuyong kush na nagkakahalaga ng P158.7 million.

Isinilid ang mga ito sa anim na balikbayan box at nanggaling sa Thailand.

Nitong nakaraang Linggo, nakakumpiska ang Philippine Drug Enforcement Agency ng  electronic cigarettes o vaping products na kargado ng marijuana oil at kush din.

Nagkakahalaga iyon ng P842,000 at sa Taguig City nadiskubre.

Bago nito, nakakumpiska ang BOC ng walong kahon na marijuana oil at kush sa Port Area, Manila at nagkakahalaga ng P337 milyon.

Bago ang lahat ng ito, marami na rin ang nasasabat na kush sa iba’t ibang airport ng Pinas pero karaniwan sa Ninoy Aquino International Airport at Diosdado Macapagal International Airport.

Ganyan katindi ang importasyon ng kush at ngayo’y marijuana oil.

SINO-SINO NGA SILANG USER?

Siyempre pa, karamihan ang Pinoy.

Pero, alam ba ninyong suki rin ang maraming dayuhang turista at may mga negosyo sa Pinas.

Sumbong ng ilang empleyado ng mga business process outsourcing at call center, kapag dumarating ang kanilang mga bosing sa Pinas at mamasyal, nagugulat sila na naghihitit ang mga ito ng marijuana.

At may pinagkukunan sila sa Pinas, huh!

Doon sila nakararamdam ng takot bilang eskort ng kanilang mga amo sa pamamasyal at panunurista dahil kung nahuli ang mga ito, madadamay sila.

THAILAND STYLE

Magandang silipin ang pagbaligtad ng Thailand sa pagtrato sa marijuana.

Nang sinibak nila ang pagtatanim, pagbebenta at paggamit ng marijuana bilang isang krimen at ginawang libangan ang paggamit nito, anak ng tokwa, biglang dumami ang mga adik at naroon na pagala-pagala lang sa mga kalsada ang mga ito at ang masama, marami sa mga ito ang mga menor-de-edad na dapat nag-aaral.

Kaya, ginawa ulit nilang krimen ang ukol sa marijuana na may parusang multa at pagkabilanggo.

Sa Pinas, bawal na bawal ang marijuana at dapat lang na ipagpatuloy ito at huwag hayaang maging libangan ito ng mga Pinoy.

Previous articleHINDI GANITO
Next articlePagkakaaresto ni Teves ikinatuwa ni Mayor Degamo