Home OPINION HINDI GANITO

HINDI GANITO

KUNG hindi pa umalingawngaw sa social media ang galit at inis ng netizens, mukhang hindi pa mahuhuli ang mga iligal na resort sa Chocolate Hills sa Bohol. At nang pumutok na nga sa mga balita, at hindi na maitago ang mga resort na hindi naman dapat pinayagan maitayo ng mga konkretong imprastraktura sa loog ng UNESCO World Heritage Site, wala ng katapusan ang pagtuturuan ng mga opisyal ng gobyerno.

Sinasabi ko na “mga resort” kasi hindi lang pala isa ang resort na iligal na naitayo na at nag-ooperate pa sa loob mismo ng Chocolate Hills. ‘Yung isa nga ay nasa tuktok pa mismo ng isang burol, at hindi lang nasa gilid. Talagang magtataka ka kung paano nakalusot ang ganitong mga kalalaking proyekto na malinaw naman dapat ay hindi pinayagan.

Hindi pwedeng maghugas kamay ang mga local government unit dito, lalo na nga ang mga sanggunian bayan at ang opisina ng mayor. Sa SB kasi magmumula ang pagpayag o endorsement para sa isang project. Pero bago mabigyan ng endorsement, kasama dapat sa proseso ang pagsisisyasat ng SB kung kumpleto ang mga dokumento ng kompanya at ng proyekto mismo na pumapayag ang Department of Environment and Natureal Resources at iba pang national government agency.

Sa opisina naman ng mayor magmumula ang business permit para maka-operate ang isang negosyo tulad ng resort. Dapat ay kumpleto rin sa mga naisumiteng dokumento ang isang korporasyon bago s’ya ma-isyuhan ng permit to operate. Hirap naman paniwalaan na hindi alam ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan na kulang pala o kaya ay hindi nila alam na may kautusan na pala na magsara ang resort, kaya na-isyuhan pa rin ito ng business permit.

Pero ang masakit talaga sa kalooban ko ay kung paano nakalusot ito sa DENR. Sa sobrang dami ng mga opisyal at proseso nang pag-rebyu, pagmamatyag at pati na rin ang ibang mga kakayahan ng Protected Area Management Board o PAMB, bakit natuloy at nakapag-operate pa ang isang resort sa gitna ng Chocolate Hills?

Parang dalawa lang ang naiisip ko. Sa mga naririnig ko ay meron aregluhan na nangyari. O kaya ay ganoon na lang talaga kahina ang mga tauhan ng DENR at lantaran silang naisahan dito.

Ano pa man, tama ang Department of Tourism na hindi ganitong klase ng turismo ang gusto at kailangan natin, dahil ayaw naman natin na masira ang kalikasan.

Previous articlePAGSUSULONG SA PAGKAKAISA, KAPAYAPAAN AT KAUNLARAN
Next articleMARIJUANA USERS SA PINAS, SINO-SINO?