Home OPINION PAGSUSULONG SA PAGKAKAISA, KAPAYAPAAN AT KAUNLARAN

PAGSUSULONG SA PAGKAKAISA, KAPAYAPAAN AT KAUNLARAN

MAGANDA ang mga binitawang pahayag ni National Task Force to End Local Communist Armed Conflict Executive Director Undersecretary Ernesto Torres Jr. sa pagkakasuporta ng Kongreso at Senado sa pagsusulong ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng ‘amnesty program’ para sa mga nalalabi pang mga miyembro ng komunistang-teroristang Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front.

Ang pahayag ni Usec. Torres, nakahanda raw ang Natrional task Force to End Local Communist Armed Conflict o NTF-ELCAC sa pag-iimplementa ng ‘amnesty program’ ni PBBM.

At ang pakikiisa ng Senado at Kongreso rito ay para sa paghahangad ng bansa sa tunay at pangmatagalang kapayapaan sa lahat ng sulok ng Pinas.

Sa masigasig na pamumuno nga raw ni Pangulong Marcos maisusulong ang sama,-samang pagkakaisa, kapayapaan at kaunlaran sa ilalim ng ‘Bagong Pilipinas’ na magbibigay ng tunay na pagbabago para sa lahat.

November 22, 2023 pa nang lagdaan ni PBBM ang kanyang Executive Order No. 47 na nag-aamyenda sa EO 125 series 2021, na nagdadagdag sa National Amnesty Commission ng gawain na magproseso ng mga nais magbalik-loob sa pamahalaan dahil sa nasabing proklamasyon.

Mahalaga raw ito ayon kay Usec. Torres, dahil magiging bukas at maliwanag para sa lahat ang pagpoproseso ng mga gustong pasakop sa amnestiya.

Kasama sa proklamasyong ito ni Pangulong Bongbong ang pagbibigay ng amnestiya sa mga dating miyembro ng CPP-NPA-NDF na nahaharap sa mga ‘politically motivated crimes’ na sakop ng Revised Penal Code at mga Special Penal laws.

Pero, ayon kay Torres, hindi kasama rito ang mga nagawang krimen ng mga rebeldeng nais masakop ng amnesty. Kailangan daw pairalin ang ‘rule of law’. Siyempre nga naman, kung ang susuko ay nakagawa ng mabigat na krimen, kailangang pagdusahan at pagbayaran nila ito.

Ang mga krimeng ito ay gaya ng kidnap for ransom, massacre, rape, terrorism, atbp na lumalabag sa Revised Penal Code o krimeng ginawa para lamang sa sariling kapakanan, kasama na ang paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Kilala ko si Usec. Torres na laging ayon sa batas ang galaw nito. At sa kanyang liderato sa NTF-ELCAC, pihadong matutupad ang inaasam ‘di lamang ni PBBM, kundi ng lahat ng Filipino na pangmatagalang kapayapaan, kaunlaran at pagkaka-isa.

Previous articleNAKAPAGTATAKA
Next articleHINDI GANITO