Home TOP STORIES Markabuhayan Job Fair, pinasinayaan; mas matibay na suporta sa manggagawa, isinusulong

Markabuhayan Job Fair, pinasinayaan; mas matibay na suporta sa manggagawa, isinusulong

68
0

Taytay, Rizal — Bilang pagdiriwang ng Araw ng Paggawa, pinangunahan ni Senador Mark A. Villar ang matagumpay na Markabuhayan Job Fair 2026 na ginanap sa SM City Taytay, na nagtipon sa mga naghahanap ng trabaho, mga employer, serbisyong pampubliko, at mga benepisyaryo ng tulong pangkabuhayan.

Daan-daang aplikante ang dumagsa sa naturang aktibidad upang tuklasin ang iba’t ibang oportunidad mula sa iba’t ibang pangunahing industriya. Kasabay nito, nagkaloob din ng welfare assistance para sa mga micro at small business owners ang Senador.

Taytay, Rizal — Bilang pagdiriwang ng Araw ng Paggawa, pinangunahan ni Senador Mark A. Villar ang matagumpay na Markabuhayan Job Fair 2026 na ginanap sa SM City Taytay, na nagtipon sa mga naghahanap ng trabaho, mga employer, serbisyong pampubliko, at mga benepisyaryo ng tulong pangkabuhayan. Daan-daang aplikante ang dumagsa sa naturang aktibidad upang tuklasin ang iba’t ibang oportunidad mula sa iba’t ibang pangunahing industriya. Kasabay nito, nagkaloob din ang Senador ng grocery items at saku-sakong bigas para sa mga micro at small business owners na apektado ng krisis.

Nagkaroon din ng LTO Caravan na nagbigay ng maginhawang access, sa pagproseso ng student permits at renewal ng mga lisensya.

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Villar ang mahalagang papel ng mga manggagawang Pilipino sa ekonomiya.

“Ang ating mga manggagawa ang gulugod ng ating ekonomiya. Sa kanilang sipag at tiyaga, patuloy na umuusad ang ating mga industriya at lumalago ang ating mga komunidad,” aniya.

Binigyang-diin din niya ang pangangailangang tugunan ang mga hamon sa sektor ng paggawa tulad ng job mismatch, underemployment, at unemployment, lalo na sa gitna ng nagbabagong pangangailangan sa pandaigdigang merkado.

“Patuloy nating pinapahusay ang mga programang nagtutugma sa kasanayan ng manggagawa at sa tamang oportunidad upang maabot nila ang kanilang buong potensyal, lalo na sa nagbabagong kalagayan ng labor market,” dagdag ni Villar.

Ibinahagi rin ng senador ang kanyang pananaw para sa isang mas globally competitive na lakas-paggawa ng Pilipinas.

“Ito ang ating layunin—isang mas competitive na Filipino workforce. Hindi lamang sa sipag at tiyaga makikilala ang ating mga manggagawa, kundi pati sa kanilang husay, kakayahan, at kahandaan sa modern at digital na mga trabaho,” ani Villar.

Nagpasalamat din si Villar sa mga katuwang sa pribadong sektor sa patuloy na pakikipagtulungan sa pamahalaan.

“Inaanyayahan natin ang ating mga partner sa pribadong sektor na ipagpatuloy ang pakikipagtulungan sa atin upang makalikha ng mas maraming trabaho, mapalakas ang skills training, at matiyak ang pangmatagalang oportunidad para sa ating mga manggagawa,” aniya.

Ang aktibidad ay nagsilbi ring pagkilala sa mahalagang ambag ng mga manggagawa at maliliit na negosyante sa pag-unlad ng bansa.

“Patuloy po kaming nagtatrabaho sa Senado upang matiyak na may sapat na suporta at proteksyon ang lahat ng manggagawang Pilipino—na ang bawat pawis at pagod ninyo ay may katumbas na dangal, seguridad, at pagkilala. Mabuhay po kayo at saludo kami sa inyong sipag at tiyaga,” pagtatapos ni Villar. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here