MANILA, Philippines — Iginiit ni Akbayan Party-list Rep. Chel Diokno na dapat patawan ng mas mabigat na parusa ang mga gun owner na mapatutunayang nagpabaya sa pag-iingat ng kanilang baril, kasunod ng pamamaril sa Banga National High School sa South Cotabato.
“Dapat rin bigyan rin ng mas malaking parusa ang mga gun owner kung sila ay pabaya,” sinabi ni Diokno sa Super Radyo dzBB nitong Linggo.
Sinabi rin ng mambabatas na dapat higpitan ang pananagutan ng mga firing range na nagpapahawak o nagtuturo ng pagbaril sa mga menor de edad. Iminungkahi rin niya na magsagawa ang executive branch ng audit sa mga baril na pag-aari ng mga opisyal at empleyado ng gobyerno, kabilang ang pagsusuri sa paraan ng pag-iimbak ng mga ito.
Para naman sa mga pribadong gun owner, sinabi ni Diokno na maaaring gawing bahagi ng firearms registration ang pagsang-ayon sa inspeksyon sa paraan ng pag-iingat ng baril.
Sa ilalim ng Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, maaaring bawiin, kanselahin o suspindihin ng PNP ang firearms license sa ilang sitwasyon, kabilang ang pagkawala ng baril dahil sa negligence. Ipinagbabawal din ng batas ang paglilipat ng pagmamay-ari o possession ng baril sa taong walang kinakailangang lisensya o permit.
Lumutang ang panawagan matapos ang pamamaril sa Banga National High School noong Setyembre 18. Ayon sa mga awtoridad, baril ng ama ng 14-anyos na estudyante ang ginamit sa insidente; empleyado ng Department of Education ang ama at iniimbestigahan pa kung paano nakuha ng menor de edad ang armas.
Nanawagan din si Diokno na palakasin ang Anti-Bullying Law at masusing suriin ang iba pang salik na maaaring may kaugnayan sa karahasan sa mga paaralan. RNT