Home OPINION MAS MAHABANG LEASE PERIOD SA LUPA SA MGA DAYUHANG NEGOSYANTE SA PINAS

MAS MAHABANG LEASE PERIOD SA LUPA SA MGA DAYUHANG NEGOSYANTE SA PINAS

MAS pinagtibay ng Senado at Kamara de Representantes ang bicameral conference committee report na nagpapahintulot ng mas mahabang lease period ng lupa para sa mga dayuhang mamumuhunan mula sa kasalukuyang 75 taon ay magiging 99 taon na ito, alinsunod sa mga praktis sa mga karatig-bansang gaya ng Indonesia, Malaysia at Singapore.

Sinabi ni Senate president Francis “Chiz” Escudero, pangunahing may-akda ng panukala sa Senado, layon ng batas na magbigay ng mas malawak na opsyon sa mga dayuhan na nais magnegosyo sa Pilipinas, nang hindi kailangang magkaroon ng pagmamay-ari sa lupa na ipinagbabawal sa ilalim ng 1987 Kons­titusyon.

Itinuturing itong priority le­gislation ni President Ferdinand “BBM” Marcos, Jr., na kabilang sa mga itinalagang prayoridad ng Legislative-Executive Deve­lop­ment Advisory Council (LEDAC) bago matapos ang ika-19 na Kongreso.
Nakapaloob sa batas ang mga sumusunod:

– Magiging 99 taon ang ma­xi­mum lease period para sa mga dayuhan.

– Maaaring magtakda ng mas maikling lease ang Pangulo ng bansa para sa ilang mga mamumuhunan, sa pag-apruba ng Fiscal Incentives Review Board (FIRB).

– Pinapayagan ang sublea­sing maliban kung ipinagbaba­wal sa kontrata. Ang sublease na lagpas 25 taon ay kaila­ngang mairehistro sa Register of Deeds.

– Saklaw ng lease ang mga layunin para sa industriya, agrikultura, turismo, agroforestry, at ecological conservation.

Ang sinomang dayuhan na pumasok sa isang illegal na lease agreement ay maaaring pagmultahin ng mula Php 1 million hanggang Php 10 million o makulong nang hanggang anim na taon.

Inatasan ang Board of Investments (BOI), Land Registration Authority (LRA), ang FIRB, at iba pang kaugnay na ahensya para balangkasin ang implemen­ting rules and regulations (IRR) ng batas.

Binago ng panukala ang Re­public Act No. 7652 o ang Investors’ Lease Act of 1993, na pinahihintulutan lamang ang mga dayuhang makapag-lease ng lupa ng hanggang 50 taon, na maaaring i-renew ng 25 taon.

Sa ilalim ng bagong batas, pinapalitan ito ng 99 na taon na lease, na may kalakip na mga regulasyong magbibigay ng mas malinaw at matatag na karapatan at seguridad para sa mga banyagang mamumuhunan.

Positibo ang pagtanggap ng business community sa aprubadong panukala.

Ipapadala ito sa Office of the President na mayroong 30 araw para ito ay malagdaan at maging ganap na batas.

Inaasahan na dahil ito ay prio­ridad na batas, magkakaroon ng seremonya sa paglagda ni Pa­ngulong BBM.