MANILA, Philippines- Dumami ang sumama sa prusisyon ng Poong Hesus Nazareno sa unang mga oras kumpara sa nakaraang taon lalo na sa Quirino Grandstand at Quiapo.
Ngayong taon, ang mga bumuhos na mga deboto ay umabot sa 220,000 sa Quirino Grandstand na mas marami kumpara sa nagdaang taon.
Matapos ang Misa Mayor ng alas-5 hanggang alas-6 ng umaga, nasa 77,000 deboto naman ang sumunod sa andas habang ang malaking grupo ng deboto ay nagtungo na sa Quiapo Church.
Ilang mga deboto rin ang hindi na nagawang makalapit pa sa Quirino Grandstand at minabuting maghintay na lamang sa kalsada partikular sa kahabaan ng Katigbak road, Finance road at Maria Orosa dahil sa dami ng mga tao.
Ang Nazareno Command Center ay nakapagtala rin ng 11,500 deboto sa Quiapo Church habang 80,000 sa Luneta.
Sa kabila ng mas malaking crowd, tiniyak ng mga awtoridad na ang mga lugar ay nanatiling ligtas sa lahat ng sumama sa Traslacion.
Sa pagtaas ng bilang ng mga dumalo, may mga idinagdag na hakbang para sa crowd control at tulong medikal upang pamahalaan ang daloy ng mga deboto.
Habang nagpapatuloy ang Traslacion 2025, inaasahang patuloy na lalago ang dami ng tao, na posibleng lampasan ang huling bilang ng nakaraang taon. Jocelyn Tabangcura-Domenden