MANILA, Philippines – Sinabi ni Pangulong Marcos na makatatanggap ng umento sa sahod ang mga manggagawa sa mas maraming rehiyon habang patuloy na sinusuri ng regional wage boards ang pangangailangan para sa wage adjustments kasunod ng kamakailan lamang na pag-apruba sa P85 daily wage hike sa National Capital Region (NCR).
Sa pagsasalita sa mga mamamahayag sa Pulilan, Bulacan, sinabi ni Pangulong Marcos na na malayang pinag-aaralan ng ang Regional Tripartite Wages and Productivity Boards (RTWPBs) ang umiiral na economic conditions sa kani-kanilang rehiyon bago pa magdesisyon ukol sa bagong wage orders.
“Ang tripartite wage board, regional tripartite wage board, patuloy ‘yan, hindi tumitigil ‘yan,” ayon sa Pangulo.
“Patuloy na tinitingnan at inaaral kung ano ba talaga ang presyuhan sa bawat region, para mailagay na tama ang ating wage rate, kung kailangan ng wage hike, kung magkano,” aniya pa rin.
Inaasahan naman na ang magiging desisyon ng Pangulo sa ilang rehiyon ay sa pagitan ng Setyembre o Oktubre ngayong taon.
“Kaya pag natapos na sila sa kanilang pag-aaral, ilalabas na rin natin ang naging resulta at kung ano ang rekomendasyon ng ating tripartite wage board sa iba’t ibang region para titingnan natin na maganda ang magiging maitutulong natin sa mamamayan na nagtatrabaho,” anito.
Aniya pa, ang Metro Manila ang unang rtehiyon na inaprubahan ang wage adjustment para ngayong taon.
“Ang nanguna ay ang NCR; P85 ang naging wage hike natin,” ang sinabi pa rin ni Pangulong Marcos.
Nauna rito, inaprubahan na ng Department of Labor and Employement (DOLE) ang P85 na umento sa minimum na sahod para sa mga manggagawa sa National Capital Region (NCR).
Ang umento, sa ilalim ng Wage Order No. NCR-27, ay ipatutupad sa dalawang yugto—P60 simula Hulyo 18, at karagdagang P25 simula Enero 1, 2027.
Ang wage hike ay kasunod ng ilang panukalang isinumite sa DOLE na naglalayong maitaas ang sahod ng mga manggagawa sa NCR.
Sa kasalukuyan, ang minimum na sahod ay P695.00 para sa mga manggagawa sa non-agriculture sector, at P658.00 naman para sa mga nasa agriculture sector, gayundin sa mga nagtatrabaho sa mga establisimyentong mayroong 10 hanggang 15 empleyado.
Sa kabilang dako, idinepensa naman ng Pangulo ang rekord ng administrasyon ukol sa sahod ng mga manggagawa, sabay sabing ang mga empleyado sa Metro Manila ay nakatanggap ng pinakamalaki kapag pinagsama-sama ang umento sa sahod sa kasaysayan ng Pilipinas sa ilalim ng kanyang liderato.
“Again, sa buong kasaysayan ng Pilipinas, ang pinakamaraming pagtaas ng wages, lalo na sa Metro Manila, ay sa nakaraang apat na taon,” anito.
“Nakapagbigay na tayo ng P200 lahat-lahat,” aniya pa rin. (KRIS JOSE)