Home NATIONWIDE MMDA, naghigpit ng paghahanda laban sa posibleng epekto ng Super Typhoon Inday...

MMDA, naghigpit ng paghahanda laban sa posibleng epekto ng Super Typhoon Inday sa Metro Manila

3
0

MANILA, Philippines – Nagsanib-pwersa ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Metro Manila Disaster Risk Reduction and Management Council (MMDRRMC) upang palakasin ang kanilang paghahanda at koordinasyon sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan bilang pagharap sa posibleng epekto ng Super Typhoon Inday na inaasahang magpapalakas sa habagat at magdudulot ng malalakas na pag-ulan sa Metro Manila.

Pinangunahan ni MMDA Chairman at kasalukuyang MMDRRMC Chairperson Atty. Don Artes ang emergency meeting kasama ang mga kinatawan ng mga national government agencies, local disaster risk reduction and management offices ng Metro Manila, at iba’t ibang response clusters upang tiyakin ang kahandaan ng mga tauhan, kagamitan, at emergency response assets.

Ayon sa MMDA, isinagawa ang pulong bilang pagsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tiyakin ang kahandaan ng Metro Manila at palakasin ang disaster preparedness ng pamahalaan bago maramdaman ang epekto ng bagyo.

Iniulat ng DOST-PAGASA na nakapasok na sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Super Typhoon Inday nitong Miyerkules habang nananatili sa kategoryang super typhoon. Inaasahan itong kikilos pahilagang-kanluran, lalabas ng PAR sa Biyernes, Hulyo 10, at posibleng mag-landfall sa mainland China sa Sabado, Hulyo 11.

Bagama’t hindi direktang tatama sa bansa, sinabi ng PAGASA na palalakasin ng bagyo ang habagat na maaaring magdala ng katamtaman hanggang malakas na pag-ulan sa Metro Manila at mga karatig-lugar.

Sa pulong, nagbigay rin ng ulat ang DPWH-NCR hinggil sa mga lugar na madalas bahain at sa nakahandang mga tauhan at kagamitan, habang tiniyak naman ng DSWD-NCR ang sapat na suplay ng Family Food Packs at iba pang relief goods. Naglatag din ng rekomendasyon ang Mines and Geosciences Bureau (MGB) kaugnay sa mga lugar na delikado sa pagbaha at pagguho ng lupa.

Tiniyak ni Artes sa publiko na nakahanda ang MMDA sa anumang pagbaha.

Aniya, lahat ng 73 pumping stations ng ahensya ay kasalukuyang gumagana at handang gamitin sakaling magkaroon ng matinding pag-ulan at flash flood.

Samantala, inihayag ni Office of Civil Defense-NCR Regional Director George Keyser na isasailalim sa Blue Alert ang National Capital Region simula Huwebes. Naka-activate na rin ang Virtual Emergency Operations Center, habang bubuksan ang Physical Emergency Operations Center mula Biyernes hanggang Sabado upang mapabilis ang koordinasyon ng mga kinauukulang ahensya.

Hinimok naman ni San Juan City Mayor Francis Zamora ang publiko na manatiling mapagmatyag at ang mga local government units na tiyaking handa ang kanilang mga komunidad bago pa man maramdaman ang epekto ng bagyo.

Binigyang-diin din ni Artes na tuloy-tuloy ang pagpapatupad ng MMDA ng Bayanihan sa Estero Program at mga declogging operations sa mga estero, kanal, at drainage system sa Metro Manila upang mapabuti ang daloy ng tubig at mabawasan ang pagbaha.

Matapos ang pulong, siniyasat nina Keyser, Zamora, at MMDA Metropolitan Public Safety Office Director Atty. Crisanto Saruca Jr. ang mga kagamitan ng Humanitarian Assistance and Disaster Response (HADR), kabilang ang rescue boats, tents, life jackets, water purifiers, power drills, at iba pang kagamitan na nakahandang gamitin sa rescue, evacuation, at relief operations sakaling lumala ang lagay ng panahon. JAY REYES

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here