Home NATIONWIDE Mas mataas na airfare nakaamba sa pag-akyat ng fuel surcharge level

Mas mataas na airfare nakaamba sa pag-akyat ng fuel surcharge level

MANILA, Philippines- Asahan na ng publiko na mahilig bumiyahe ang mas mahal na pamasahe sa darating na buwan habang pina-upgrade ng Civil Aeronautics Board (CAB) ang fuel surcharge level para sa domestic at international flights.

Sa isang advisory, sinabi ng CAB na ang passenger at cargo fuel surcharge para sa domestic at international flights ay itinakda sa Level 5 para sa panahon ng Marso 1 hanggang 31, 2025, mula sa kasalukuyang Level 4.

Nabatid na ang nasabing fuel surcharge ay isang opsyonal na bayad, bukod sa batayang pamasahe, na maaaring ipasa ng mga airline sa mga pasahero upang mabawi ang mga gastos na natamo dahil sa paiba-ibang presyo jet fuel.

Inaayos ng CAB ang mga dagdag na singil sa gasolina kaugnay ng paggalaw ng presyo ng jet fuel.

Nabatid na sa ilalim ng Level 5, ang mga pasahero ay magbabayad ng P151 hanggang P542 bilang fuel surcharge para sa domestic flights, depende sa distansiya ng kanilang biyahe.

Samantala, sa ilalim ng kasalukuyang Level 4, ang pampasaherong fuel surcharge ay nasa pagitan ng P117 at P342 para sa domestic flights, depende sa distansya; habang para sa mga international flight na nagmula sa Pilipinas, ang dagdag na bayad ay mula P385.70 at P2,867.82. JR Reyes