
NANAWAGAN ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa tinatayang nasa 15 milyon na solo parents sa bansa na 99 porsyento ay kababaihan na mag-update ng kanilang solo parent identification cards (SPIC) upang patuloy na magkaroon ng akses sa mga serbisyong nakalaan para sa kanila at matiyak na hindi sila mapag-iiwanan sa kaunlaran.
Ayon sa kagawaran, may karapatan ang mga solo parent sa mas pinalawak na pakete ng mga serbisyong panlipunang proteksyon sa ilalim ng Republic Act No. 11861 o ang Expanded Solo Parents’ Welfare Act.
Para makakuha ng iba’t ibang programa at serbisyo ng pamahalaan mula sa iba pang mga institusyon, kailangan nilang magparehistro sa Solo Parents Office ng kani-kanilang lokal na pamahalaan at mag-aplay para sa SPIC at sa booklet.
Alinsunod sa batas, lahat ng solo parents at kanilang anak o dependent na rehistrado sa Solo Parents Office ng kanilang LGU ay awtomatikong saklaw ng National Health Insurance Program na pinangangasiwaan ng Philippine Health Insurance Corporation (PHILHEALTH).
Batay sa PHILHEALTH Circular No. 2024-0020, kailangang kumuha ng SPIC mula sa Solo Parents Office ng LGU ang mga solo parent upang ma-update ang kanilang membership record at matukoy bilang solo parent sa sistema ng PHILHEALTH.
Nakasaad sa circular na sasagutin ng national government ang premium contributions ng mga solo parent, habang ang mga nasa formal economy naman ay paghahatian ang kontribusyon ng kanilang employer at ng national government.
Nakasaad din sa pinalawak na batas ang 10 porsyento diskwento at exemption sa value-added tax (VAT) para sa mga solo parent na kumikita ng mas mababa sa Php 250,000 kada taon sa pagbili ng gatas, pagkain, micronutrient supplements, sanitary diapers, prescribed medicines, bakuna, at iba pang medical supplies ng kanilang anak mula pagsilang hanggang umabot sa anim na taong gulang.
Naglabas din ang Bureau of Internal Revenue ng Revenue Regulations No. 1-2023 na nagsasaad na kailangang ipakita ng mga solo parent ang kanilang SPIC at booklet upang makuha ang 10 porsyentong diskwento at VAT exemption sa mga kwalipikadong bilihin.