Home OPINION ANONG PUNTO NG MANIBELA?

ANONG PUNTO NG MANIBELA?

BAGAMA’T posibleng karamihan sa atin ay sang-ayon sa modernisasyon ng pampublikong transportasyon, bigyang-linaw natin ang himutok na nag-udyok sa pinakabagong tigil-pasada ng mga jeepney: isang panloloko, sa pananaw ng transport group na Manibela.

Hindi biro ang mga hamong sinasabaka sa consolidation. Sinabi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board na 86% na ng public utility vehicle operators ang consolidated. Pero heto ang siste: isinama sa bilang na ‘yan ang lahat nang pumapasada na may prangkisa — hindi lang mga jeepney.

Ang malala pa, nasa 43% lang sa mga ito ang aktwal na nakakumpleto ng proseso. Ang mga natitira, sabi nga nila, ay “in process” pa o basta nakabinbin lang. Gayunman, ang mismong mga operator at tsuper na ito ang delikado ngayon na mawalan ng kanilang kabuhayan.

Akusa ng Manibela, karamihan sa mga tsuper na inakalang consolidated na sila ay tinanggihan kalaunan, kaya nakatengga ngayon nang walang prangkisa. Ang ilan, nagbayad pa sa mga kooperatiba na nagtaboy lang din naman sa kanila. Kung titingnan ang isyu sa pananaw nilang ito, hindi nga malayong magprotesta sila.

Malinaw namang marami pa ring tsuper at operators ang nasa alanganin at kawalang kasiguraduhan sa ngayon, nalilito o hindi na malaman ang gagawin dahil sa gitna ng lahat ng ito, tuloy lang ang gobyerno sa pagkikibit-balikat sa may katwiran namang hinaing ng kanilang sektor. Nitong Biyernes, nagtigil-pasada na ang ilan sa kanila ilang araw bago magsimula ang inanunsyo nilang strike ng Marso 24-26.

Ngayon, pagkatapos ng tigil-pasada, bigla na lang sinang-ayunan ni Department of Transportation Secretary Vince Dizon ang pangangailangang magkompromiso at nangako ng solusyon sa problema sa loob ng dalawang linggo. Ano ‘yan, Sec. Dizon — biglaang natauhan sa pagninilay sa kalagitnaan ng Kwaresma?

Makalipas ang ilang buwan nang paulit-ulit na pagtatakda ng deadline at paggigiit na maayos na inilatag ang programa, aminado siya ngayon, “We need to validate the numbers” at “see the real situation on the ground.” Alam ko namang isang buwan pa lang siya sa trabaho, pero parang pambata naman ang datingan niya sa lagay na ito.

Ngayong nag tigil-pasada, bigla na lang naisipang pag-aralang muli at i-validate ang problema? Eh, ano pala ang ginawa noon ng gobyerno — nanghula?

Ang tunay na kapalpakan ng DOTr, LTFRB, at Land Transportation Office ay hindi ang ideya ng modernisasyon — kundi ang teribleng implementasyon nito.

Alam naman nilang mahal ang mga sasakyang moderno at energy-efficient, pero nabigo ang programang ito ng gobyerno, na pinaglaanan ng trilyun-trilyong piso ng pondo, na bumuo ng pangkalahatan, komprehensibo, at makatwirang payment scheme na uubra sa lahat. Sa halip, inilantad nila sa kawalang katiyakan ang mga operator, nag-alok ng mga walang kasiguraduhang polisiya habang umaasa ng walang pakundangang pagtalima mula sa sektor. Ang modernisasyon na walang rasonableng financial framework ay hindi para sa progreso — isa itong kapabayaan.

At kung iginigiit ng gobyerno na maisakatuparan ang planong ito, dapat muna nitong panagutan ang naging kapabayaan, na siyang maba-validate ni Sec. Dizon.

* * *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).