DAVAO, Philippines – Binigyang-prayoridad ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagpapalakas ng serbisyong pangkalusugan sa kanyang pagbisita sa Davao de Oro Provincial Hospital (DDOPH)-Montevista.
Personal na ininspeksyon ni Pangulong Marcos ang bagong Medical Ward Building at iba pang pasilidad na magpapalawak sa kakayahan ng ospital na magbigay ng de-kalidad na serbisyong medikal sa mga residente ng Davao de Oro at mga karatig-lugar.
Sa katunayan, aktuwal na nasaksihan ng Pangulo ang pag-isyu ng discharge papers sa ilang pasyenteng nakinabang sa Zero Balance Billing Program, kung saan wala silang binayarang gastusing medikal, kasabay ng kanyang pangungumusta sa mga ito at sa kanilang mga kaanak.
Ipinagkaloob din ng Office of the President ang ₱147.95 milyong tulong sa ilalim ng Socio-Civic Projects Fund (SCPF) upang suportahan ang rehabilitasyon at patuloy na pagpapahusay ng DDOPH-Montevista matapos itong magtamo ng pinsala dulot ng magnitude 7.8 na lindol noong Hunyo 2026.
Patuloy na pinatitibay ng pamahalaan ang sistema ng pangangalagang pangkalusugan sa pamamagitan ng modernisasyon ng mga pampublikong ospital at pagpapatupad ng mga programang nagpapagaan sa gastusing medikal ng mga Pilipino.
Kabilang dito ang layuning maiangat sa Level 2 ang DDOPH-Montevista sa 2027 upang mas marami pang mamamayan sa Davao de Oro at mga karatig-lalawigan ang makinabang sa mas mabilis, mas mahusay, at mas komprehensibong serbisyong pangkalusugan. (KRIS JOSE)