Home NATIONWIDE Mastermind sa P9.75 milyon ‘paihi’ sa Navotas, tutugisin

Mastermind sa P9.75 milyon ‘paihi’ sa Navotas, tutugisin

122
0

MANILA, Philippines – Pinalalalim ng Philippine National Police (PNP) ang imbestigasyon upang matukoy ang umano’y mastermind sa ilegal na bentahan ng diesel na nagkakahalaga ng P9.75 milyon na natuklasan sa isinagawang operasyon sa Navotas Fish Port Complex.

Sa inilabas na pahayag nitong Miyerkules, sinabi ni PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na tinutugis na ng mga awtoridad ang tinawag niyang “big fish” sa likod ng operasyon.

“We are currently conducting a thorough investigation to identify the ‘big fish’ behind this operation,” ani Nartatez. “Hindi lang ‘yung mga nasa baba ang ating tutugisin. We must close in on the mastermind and arrest them,” dagdag niya.

Siyam na lalaki ang naaresto at nasa 65,000 litro ng diesel na nagkakahalaga ng P9.75 milyon ang nasamsam sa tanghaling raid noong Martes. Ayon sa mga awtoridad, ikinasa ang operasyon matapos makatanggap ng tip mula sa isang concerned citizen kaugnay ng hinihinalang ilegal na fuel transfer sa lugar.

Nahuli umano ang mga suspek habang naglilipat ng fuel ngunit bigong magpakita ng mga dokumentong nagpapahintulot sa transportasyon at pag-iimbak ng petroleum products. Ayon kay Nartatez, malaking dagok ito sa organisadong ilegal na kalakalan ng fuel, partikular sa tinatawag na “paihi” scheme na matagal nang umiiral sa mga port area.

Kasabay ito ng pagtaas ng presyo ng langis na iniuugnay sa nagpapatuloy na tensyon sa Middle East. “This operation proves our resolve: hindi tayo titigil hangga’t hindi napuputol ang kanilang supply chain. We are hitting them where it hurts their pockets,” ani Nartatez.

Samantala, sinabi ni PNP spokesperson Brig. Gen. Randulf Tuaño sa isang press briefing sa Camp Crame na 393 gas stations ang pansamantalang nagsara dahil sa kakulangan ng suplay habang binabantayan ng mga awtoridad ang epekto ng oil supply crunch.

Iniulat din ni Tuaño ang 15 insidente ng fuel hoarding at profiteering sa buong bansa, kabilang ang tatlo sa National Capital Region, lima sa Bicol Region, apat sa Eastern Visayas, dalawa sa Central Luzon, at isa sa Davao Region. Aniya, nasa 34 katao na ang nahaharap sa kaso kaugnay ng mga insidenteng ito.

Humingi na rin ng tulong ang Department of Energy sa PNP upang paigtingin ang kampanya laban sa fuel hoarding at profiteering habang nagpapatuloy ang problema sa suplay. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here