Isinusulong ni dating kalihim Atty. Benhur Abalos Jr., ang wastong nutrisyon bilang susi sa maayos na pagkatuto ng mga kabataang mag-aaral, na kaniyang napatunayan bilang dating alkalde ng Lungsod ng Mandaluyong.
Sa isang radio interview kamakailan, binigyang halimbawa ni Abalos ang nakamit ng Lungsod ng Mandaluyong noong siya ay nanunungkulan pa bilang alkalde. Aniya, nakamit ng Mandaluyong ang isa sa pinakamataas na karangalan sa larangan ng nutrisyon sa pamamagitan ng mahusay na pagpapatupad ng mga programa at proyektong pangkalusugan.
Patuloy na kinikilala ang Mandaluyong City hangang sa kasalukuyan. Ginawaran ang lungsod kamakailan ng Certificate of Quality Nutrition Program kabilang ang tatlo pang espesyal na pagkilala: Best LGU in Nutrition Investment na nagsisiguro na ang kanilang Local Nutrition Action Plan (LNAP) ay kabilang sa naaprubahang budget ng LGU; Most Improved LGU in the Implementation of Nutrition in Emergencies (NIE) Program at Most Improved LGU in the Implementation of Philippine Integrated Management of Acute Malnutrition Program (PIMAM), kabilang dito ang mas pinabuting serbisyo para sa mga batang may malnutrisyon, Severe Acute Malnutrition (SAM) and Moderate Acute Malnutrition (MAM) at pagpapalakas sa kapasidad ng mga nagpapatupad ng programa.
“Yung simpleng hakbang tulad ng tamang nutrisyon sa eskwelahan, malaki ang epekto sa kalusugan at talino ng ating mga anak. Kung nagawa namin sa Mandaluyong, kaya rin itong gawin ng iba’t ibang LGU sa buong bansa,” banggit ni Abalos.
Dahil sa pagpapabuti ng kalusugan ng mga mamamayan, lalung lalo na ng mga mag-aaral, kinilala ang Schools Division Office of Mandaluyong City bilang top performing school division sa katatapos na National Achievement Test o NAT. Hinirang naman na top performing school sa buong bansa ang City of Mandaluyong Science High School sa parehong taon, 2022-2023.
“Malaki ang kaugnayan ng wastong nutrisyon sa mahusay na performance sa paaralan,”giit ng dating kalihim ng Department of the Interior and Local Government.
Ayon kay Abalos, pagkakaisa at sama-samang pagkilos ng mga tagapagtaguyod ng kalusugan at tamang nutrisyon ang susi upang matugunan ang ganitong suliranin.
Sa kabila ng pagiging isang maliit na lungsod, nakamit nito ang malalaking tagumpay sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mga pinuno at mga mamamayang nagkakaisa, sama-samang nangangarap at kumikilos upang matupad ito, dagdag pa niya.
“Para sa akin ang sukatan ng tunay na kayamanan ay hindi ang laman ng kaban ng bayan kundi ang maiangat ang antas ng pamumuhay ng iyong mga mamamayan, ito ang tunay na sukatan ng kaunlaran,” pahayag ni Abalos.
Sa kanyang panunungkulan bilang Mayor ng Mandaluyong, nakamit ng lungsod ang mabilis na pag-unlad sa pamamagitan ng paglago ng mga negosyo na nagbigay ng trabaho, mabisang serbisyong panlipunan at pangkalusugan.
Dahil sa napaunlad niya ang Mandaluyong, nakapagbibigay ang syudad ng libreng uniporme, sapatos, bag para sa lahat ng mga mag-aaral sa pampublikong paaralan, ganundin ang libreng computer tablet sa may 40,000 estudyante mula Grade 4 hangang Senior High School sa pampublikong paaralang at libreng allowance para sa kanila. Tumanggap rin ang mga guro ng libreng laptop para mas maging epektibo ang kanilang pagtuturo. (Dave Baluyot)