MANILA, Philippines- Hindi na nakapalag ang isang matandang binata nang arestuhin sa isinagawang manhunt operation dahil sa kasong statutory rape, napaulat sa Valenzuela City.
Batay sa report na nakalap mula sa tanggapan ni Northern Police District (NPD) Acting Director P/Col. Josefino Ligan, kinilala ni Valenzuela police chief P/Col. Nixon Cayaban ang arestadong si alyas “Egay”, 52, ng Bagbaguin ng nasabing lungsod.
Nag-ugat ang pagkakaaresto kay alyas Egay makaraang makatanggap ng impormasyon ang kapulisan hinggil sa kinaroroonan nito sa Brgy. Maysan.
Ang akusado ay sinasabing Top 2 sa talaan ng Most Wanted Person ng Valenzuela.
Alas-12:30 ng tanghali nang isakatuparan ang manhunt operation hanggang sa maaresto si Egay sa bisa ng warrant of arrest na inisyu noong November 4, 2024, ni Presiding Judge Evangelista S. Mendoza-Francisco ng Regional Trial Court Branch 270, Valenzuela City para sa kasong Statutory Rape (2 counts) na walang inirekomendang piyansa.
Samantala, nasa custodial facility unit ng Valenzuela Police ang akusado habang hinihintay ang commitment order mula sa hukuman. Merly Duero