Home OPINION MATATAG NA EKONOMIYA BAGAMAN MAY BANGAYANG PBBM AT INDAY

MATATAG NA EKONOMIYA BAGAMAN MAY BANGAYANG PBBM AT INDAY

IBA-IBA ang pananaw ng mga eksperto sa ekonomiya sa matinding alitan sa pagitan nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. at Vice President Sara Duterte na unang nagbanta na may kinausap na siya para patayin ang Pangulo, si First Lady Lisa Marcos at House Speaker Martin Romualdez kung sakali ay mapatay siya.

May mga nababahala sa nangyaring alitan, hindi lang sa isyung pulitikal, lalo’t nalalapit na ang mid-term elections, kundi higit sa lahat ay ang malaking posibilidad na makaaapekto ito sa ekonomiya ng bansa.

 Sabi nga ng isang ekonomista, hindi maganda para sa mga mamumuhunan ang nangyayaring bangayan ng dalawang makapangyarihang political clan kaya’t tiyak na magdadalawang-isip daw ang mga ito na maglagak ng puhunan sa bansa.

Sa halip daw na sa Pilipinas ilagak ang puhunan o dito magtayo ng kanilang negosyo, maghahanap umano ang mga ito ng mga bansa na matatag ang pulitika at walang gulo sa pagitan ng mga namumuno.

Pero sabi naman ng ilan ding economic analyst, hindi raw ito makaaapekto sa ekonomiya ng bansa dahil wala namang nangyayaring pisikal na kaguluhan kundi palitan lamang ng akusasyon na kung tutuusin ay normal lang nangyayari sa mga pulitiko, hindi lang sa Pilipinas, kundi sa iba pang bansa.

Sa katunayan, patuloy na nakakapag-trabaho ng maayos si Pangulong Bongbong Marcos at nakapanghihikayat pa rin ng mga mamumuhunan, patunay ang katatapos lang niyang working visit sa United Arab Emirates.

Ngayong nakapagbigay na ng kanyang pahayag ang Pangulo sa pagbabanta sa kanyang buhay, tuloy-tuloy na muli ang kanyang pagtatrabaho upang mapanatiling matatag ang ekonomiya.

Kahit pa kasi sabihing tunay na mga eksperto sa ekonomiya ang mga nagpapahayag ng kanilang pananaw, mas kapani-paniwala pa rin kung may pinanghahawakang istatistika at resulta ng matatag na ekonomiya.

Tulad na lang ng ipinakitang pruweba ni Finance Secretary Ralph Recto kung saang binigyang-diin niya ang inilabas na paninindigan ng Standard & Poor  na tumaas ang rating ng Pilipinas sa kasalukuyan na ang ibig sabihin ay may kakayahang magbayad ang gobyerno sa mga uutangin dahil mula sa Positive outlook, umakyat ang Pilipinas sa pagiging Stable dahil sa maayos na liderato ng Pangulong BBM.

Sabi ng kalihim ng pananalapi, patunay ito na malaki ang tiwala ng mga mamumuhunan at mga nagpauutang sa pagpapatakbo sa gobyerno ni Pangulong BBM, sa ekonomiya ng bansa sa kabuuan.

Paliwanag pa ni Recto, malaking benepisyo ang may mataas na credit rating dahil makakapaglaan ang gobyerno ng pondo para sa mga programang imprastraktura, pangkalusugan, edukasyon at marami pang iba na aniya ay isang malaking tagumpay para sa mga Pilipino.

Kaya sa mga nangangamba na baka makaapekto ng malaki sa paglago ng ekonomiya ang pag-aalburoto ni VP Sara, makabubuting magbatay tayo sa mga istatistika at pruweba, sa halip na mangamba sa mga binibitawang salita ng mga eksperto sa ekonomiya.

Tiwala lang at siyempre, samahan natin ng dasal para malinawan ang isip ng mga taong may pansariling agenda.