Home METRO May-ari ng mga overloaded truck, kakasuhan sa pagbagsak ng tulay sa Cagayan

May-ari ng mga overloaded truck, kakasuhan sa pagbagsak ng tulay sa Cagayan

298
0

CAGAYAN — Nakatakdang kasuhan ng pamahalaang panlalawigan ng Cagayan ang mga may-ari ng overloaded truck na sangkot sa pagbagsak ng Piggatan Bridge sa Alcala, ayon kay Gobernador Edgar Aglipay nitong Martes.

“Papakasuhan muna natin sila — negligence, destruction to public property. Para mayroong matuto na hindi naniniwala sa 18-ton limit,” ani Aglipay.

Bumagsak ang tulay nitong Lunes ng hapon matapos dumaan ang tatlong truck na may bigat na halos 50 tonelada bawat isa, na lampas sa 18-ton capacity ng tulay, ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH). Pitong tao ang nasugatan.

Ayon sa isang drayber na si Patrocinio Battad, narinig niya ang pagkalas ng bahagi ng tulay bago ito tuluyang bumigay. “Akala ko lindol hanggang biglang bumagsak ang truck ng ilang talampakan,” kuwento niya.

Inutusan ni Aglipay ang pag-inspeksyon sa iba pang tulay sa probinsya. Samantala, sinabi ni DPWH Secretary Vince Dizon na nagpadala siya ng mga engineer mula sa central office upang alamin kung kailan huling niretrofit ang tulay.

Ayon kay Dizon, may ₱45 milyong pondo sa ilalim ng 2026 national budget para sa rehabilitasyon ng Piggatan Bridge. “Ang national government ang magpopondo nito. At sa ngayon, kailangang makapagtayo muna tayo ng temporary bridge sa lalong madaling panahon,” aniya.

Nagpatupad na ng rerouting scheme ang pamahalaang panlalawigan para sa mga apektadong motorista. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here