SA kabila ng pagkakaroon ng budget para sa kaligtasan ng ating mga kababayan laban sa mga hazard, panganib at aksidente sa kapaligiran, hindi maling sabihin na nahuhuli pa rin ang Pilipinas pagdating sa usaping pangkaligtasan. Ginamit nating basehan ang halos araw-araw na road crash incident sa buong bansa at mga naoobserbahang unsafe act at unsafe condition na inirereport ng media at ipinopost ng mga netizen.
Lilinawin lang natin dear readers, ang safety and health issue na ating tatalakayin sa ngayon ay hindi lamang sumasaklaw sa requirements para sa occupational o pangtrabaho. Bibigyang diin natin ang ilang best practices sa motor vehicle safety at pagpahihiram ng sasakyan na ating natunghayan sa ibang bansa.
Sa Bahrain, obligado ang may-ari ng sasakyan na mag-issue ng authorization sa sinomang driver na magmamaneho ng kanyang sasakyan. Bago ibigay ang dokumento at i-turn-over ng may-ari ang susi, kailangan niyang siguruhin ang pagkakaroon ng valid driver’s license at central population registration o CPR ng driver na manghihiram ng kaniyang sasakyan.
Sa Pilipinas, hindi ito ang kultura. Ang 4-wheel at motorsiklo ay mistulang “free-to-drive for all” sa circle ng mga kamag-anak at kaibigan. Naitatanong din paminsan-minsan kung may lisensya, pero nawawalang saysay ang restriction lalo na kung kaanak o malapit na kaibigan ang nanghihiram.
Tingnan na lang natin ang nangyari sa ilang kabataang menor de-edad na naaksidente dahil sa pagmomotorsiklo.
Ang ilan ay walang lisensya, walang helmet na nakasuot, overspeeding at pihadong walang defensive driving training. Kaya hindi malayong mangyari ang road accident resulted to fatality, multiple injuries and damage to property.
Ansaklap di ba? Maliban sa tinamong injury, mas malaki ang gastos kapag may aksidente kumpara sa abala at gastusin sa ospital kabilang ang paglalaan ng oras at effort para maiwasan ito.
Kinakailangang ituring ang bawat sasakyan bilang isang kumplikadong makina na may malaking panganib at hindi isang simpleng laruan.
Maraming buhay ang sasagipin kung responsable at may ganitong mindset ang mga lisensyadong nagmamay-ari at nagpapahiram ng sasakyan.






