Home OPINION MAY TATTOO AT KRIMEN, OUT SA US

MAY TATTOO AT KRIMEN, OUT SA US

DUMARAMI ang hinuhuling Pinoy sa United States para itapon o pabalikin sa Pinas.

Kabilang sa mga pinakahuling dinakip at maaaring pabalikin sa Pinas ang green card holder na si Lewelyn Dixon na 50 taon nang naninirahan at nagtatrabaho sa US bilang laboratory technician.

Nagkaroon ito ng kasong embezzlement o pandaraya sa salaping ipinagkakatiwala sa kanya at napatunayan itong nagkasala na naging dahilan ng pagpigil sa kanya ng US Immigration and Customs Enforcement na nagpapatupad ng deportation program ni US President Donald Trump.

Ipinaglalaban si Dixon ngayon ni Hawaii State Rep. Tina Grandinetti at ginawa siyang sampol ng dumaraming gustong palayasin ni Trump.

Ito namang si Greggy Sorio, 36, ay kinasuhan ng pagnanakaw, pagpasok sa bahay ng may bahay, panganib sa ibang tao at paglabag sa protective order laban sa kanya.

Matapos ang pagdedeklarang siya’y nagkasala, nasa detention center na rin siya sa Seattle, Washington.

Hindi naman malinaw kung ano ang kaso ni Jastoni Jumaquio Pestano ngunit inaresto siya sa eigh-Durham International Airport sa North Carolina habang papuntang Japan at ngayo’y na nag-aplay na para sa voluntary deportation.

Ayon sa ulat ng ating Department of Foreign Affairs, bukod sa 24 pinauwi na sa Pinas, may 80 pang pinoproseso ang pagpapalayas sa kanila.

Ang tatlong nabanggit ay maaaring dagdag sa 80 Pinoy na anomang araw ay palalayasin na.

WALANG GREEN CARD-GREEN CARD

Green Card Holder si Dizon dahil bata pa nang dumating sa Hawaii at doon na nga siya nag-high school.

Ang Green Card Holder ay matagal nang naninirahan sa anomang estado sa US at anomang oras, pagkakalooban na siya ng US citizenship.

Ngunit ngayong gustong magpalayas ng nasa 13 milyong dayuhan ang gobyernong Trump, ginagamit nila bilang dahilan ng pagpapalayas ang kahit anong sumbong na kriminal laban sa mga ito.

At lalong kandidato ang dayuhan sa pagpapalayas kung napatunayan na siyang nagkasala sa anomang kriminal na gawa, kahit gaano kaliit ‘yan.

At mabubura ang iyong green card.

LIGAL, MAY TATTOO PINALALAYAS

Lumalabas na ligal ang pagpasok ng mahigit kalahating milyong o 530 taga-Nicaragua, Venezuela, Cuba at Haiti.

Naging ligal ang pagpasok sa mga ito sa panahon ni dating Pangulong Joe Biden na pinalitan ni Trump.

Pero pinapawalambisa na nga ang pagiging ligal nila.

At ang totoo, nagsimula na ang pagpapalayas sa mga ito nang daan-daan.

Kahit may mga tattoo na palatandaan ng pagiging miyembro ng gang, isinasama sa mga pinaaalis kahit inosente.

TULONG NG GOBYERNO

Dahil aabot sa 350,000 Pinoy ang posibleng mapalayas, kinakailangan na talaga ang aksyon ng pamahalaang Pilipinas.

Hindi lang para mapanatili sila sa US kundi para sa posibilidad na mapalalayas sila.

May malaking hindi magandang ibubunga ito na dapat harapin ng gobyerno gaya ng dagdag sa milyon-milyong walang trabaho, malaking gastos sa pagpapauwi, malaking gastos sa pagsuporta sa mga pamilya nilang makararanas ng gutom at paghihirap at iba pa.

Nasaan na ang paghahanda ng gobyerno sa pagkalinga sa mga ito?