AMINADO si dating Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na higit pa sa pagkilala ang katumbas ng natanggap nito na “Seal of Good Financial Housekeeping” noong siya pa ang alkalde ng Lungsod ng Maynila.
Ayon kay Domagoso, ang pagkilala ay nagpapatunay lamang ng dedikasyon sa pagiging bukas sa pananaw ng publiko, may responsibilidad sa pananalapi, at wastong pamamahala na magdadala sa Maynila upang muling kilalanin bilang isang dakilang lungsod.
Napagkalooban sa kauna-unahang pagkakataon ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila ng prestihiyosong parangal ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa ilalim ng pamamahala noon ni Domagoso.
“Nakakatuwa ho na ang ahensya ng national government ay na-recognize ang efforts ng Manila local government. Trophy po ‘yan ng mga local government. Maselan pa ‘yang bagay kasi ang usapan ay pananalapi ng taumbayan,” sabi ni Domagoso.
“Mahirap po makuha ‘yon. Napakahirap po nun kasi hindi ka makakakuha ng Seal of Good Local Governance kung wala kang Seal of Good Financial Housekeeping. It is a prerequisite,” dagdag pa niya.
Ipinaalala nya na noong maupo siyang alkalde ng taong 2019, wala siyang inabutan na pananalapi ng taumbayan pero sa halip aniya na dibdibin ang suliranin, gumawa siya ng paraan upang pakilusin ang mga tanggapan sa lokal na pamahalaan na nakakabuo ng kinakailangang salapi, lalu na’t kailangang tustusan ng pananalapi ang paglilingkod sa gobyerno.
“Noong nag-assume ako ng office as Mayor, nailathala na talagang wala akong inabutan na pananalapi ng taumbayan. We stated this fact para malaman ng tao,” ani Domagoso.
Pinalakas aniya nya ang koleksiyon ng buwis at isa rito ang pagkakaloob ng tax amnesty upang makatulong sa mga nagpupunyaging negosyante at mabayaran din ang utang ng mga nagmamay-ari ng lupa.
“Through this disposal, through this utilization, efficient collection, systematic collection, umangat ang Maynila at nakolekta ‘yung tamang koleksyon,” saad pa ng nagbabalik na alkalde sa lungsod ng Maynila.
Inayos din ni Domagoso noon ang maling pamamahala sa paggamit ng pampublikong ari-arian na ipina-kontrata lang sa murang halaga at nagbibigay ng pabor doon lang sa mga kaibigan.
“For example, mayroon tayong 2,000-sqm na lupa, naikontrata nang piso per square meter for so long. Talagang nababoy dahil sa pagbibigay ng mga pabor sa iilang naghahanapbuhay na kaibigan ng lumang panahon,” ayon pa kay Domagoso.
Ang lahat aniya ng kanyang pagsisikap na maisaayos ang pananalapi ng Maynila ang naging daan upang mapagtagumpayan niya ng maging kuwalipikado na mapagkalooban ng Seal of Good Financial Housekeeping.
“Sa tulong ng mga ahensya ng gobyerno ng Lungsod ng Maynila, napagtagumpayan namin ‘yung requirements for the City of Manila to receive the Seal of Good Financial Housekeeping,” ani Domagoso.
“Napakahirap po nun kasi ang susunod mo na makuha doon, hindi ka makakakuha ng Seal of Good Local Governance kung wala kang Seal of Good Financial Housekeeping. It is a prerequisite,” paliwanag pa ng dating alkalde. JR Reyes