ALBAY, Philippines – Ilang lugar sa Albay ang muling nakaranas ng ashfall matapos magpakita ng panibagong aktibidad ang Mayon Volcano nitong Miyerkules, ayon sa mga awtoridad.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology, nagkaroon ng 15-minutong lava effusion na may kasamang collapse pyroclastic density current o “uson,” na naglabas ng plume na umabot sa 4,000 metro at tumungo sa southwest.
Dahil dito, nakaranas ng ashfall ang mga bayan ng Camalig, Daraga, Sto. Domingo, at Legazpi City, ayon sa PHIVOLCS at provincial government.
Pinayuhan ng Albay Provincial Information Office ang mga residente na magsuot ng face mask para sa proteksyon laban sa abo.
Nananatili sa Alert Level 3 ang Mayon Volcano at mahigpit pa ring ipinagbabawal ang pagpasok sa 6-kilometer permanent danger zone dahil sa patuloy na banta ng pagputok, pagguho, at pyroclastic flows. RNT/MND