Home METRO Menor tigok sa kursunada

Menor tigok sa kursunada

MANILA, Philippines – Isang menor de edad ang binaril umano ng tatlong kalalakihan matapos itong makursunadahan sa Bacoor City, Cavite.

Sa ulat ng pulisya, kinilala ang biktima sa alyas “Nathan,” 16, ng Brgy. Bignay St., Talon 5, Las Piñas City.

Ayon sa report, kinilala ang mga suspek na pinaghahanap ngayon ng mga awtoridad na sina alyas “Nat,” alyas “Oseng,” at alyas “Dodong,” pawang residente ng Brgy. San Nicolas 3 Extension ng nasabing lugar.

Base sa imbestigasyon, bandang alas-7:00 ng gabi kamakalawa, nakatanggap ng tawag ang Bacoor Component City Police Station kaugnay ng bangkay ng isang menor de edad na nakahandusay sa Bignay St., Brgy. San Nicolas 3 Extension, na may tama ng baril.

Pinaniniwalaang dumayo lamang ang binatilyo sa lugar kung saan kinursunada ito ng tatlong suspek.

Napag-alaman na binaril umano ang biktima at mabilis na tumakas ang mga suspek matapos ang insidente.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon sa kaso upang mabatid ang motibo sa pagpatay.

(Margie Bautista)