MANILA, Philippines – Nasabat ng pulisya ang mahigit P.3 milyong halaga ng shabu mula sa isang kelot na sangkot umano sa pagtutulak ng ilegal na droga, na natiklo sa isang buy-bust operation sa Caloocan City.
Ikinasa ng mga tauhan ni Northern Police District – District Drug Enforcement Unit (NPD-DDEU) chief P/Capt. Regie Pobadora ang buy-bust operation sa koordinasyon ng PDEA, matapos magpositibo ang natanggap nilang ulat hinggil sa umano’y pagbebenta ng shabu ni alyas “Joy”, 48.
Sa ulat ni Capt. Pobadora kay NPD Acting District Director P/BGen. Arnold Abad, dakong alas-5:46 ng madaling araw nang makipagtransaksyon umano ang suspek sa isa niyang tauhan na nagpanggap na buyer sa Barangay 8, Caloocan City.
Nang tanggapin umano ng suspek ang marked money mula sa pulis kapalit ng isang plastic sachet ng shabu, agad siyang dinamba ng mga operatiba ng DDEU.
Nakumpiska sa suspek ang humigit-kumulang 45 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price value na P306,000.00 at buy-bust money.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11, under Article II ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (Merly Duero)