Home NATIONWIDE Mental health program, ipatupad nang wasto–Sen. Go

Mental health program, ipatupad nang wasto–Sen. Go

MANILA, Philippines – Nanawagan si Senador Christopher “Bong” Go na dapat itaas ang pondo at ipatupad nang wasto ng Department of Health ang mental health program.

Ginawa ni Sen. Go ang panawagan sa pagtalakay sa mungkahing badyet para sa DOH sa susunod na taon.

“Hindi rin natin dapat kalimutan ang sapat na pondo para sa mga programa sa kalusugan ng kaisipan lalo na sa panahon ngayon na marami sa ating mga kababayan ang apektado po ang kalusugan ng pag-iisip,” sabi ni Go.

Sinabi ni Go na ang mungkahing badyet para sa DOH ay natapyasan ng 10 bilyong piso at binigyang diin niya na dapat pa nga ay itaas ito lalo sa paglalaan ng pondo sa iba’t ibang mga programa, kabilang ang mga nakatuon sa mental health.

Dahil dito, inendorso ni Go ang karagdagang pondo para sa DOH at hinikayat ang kolektibong pagkilos na mamuhunan nang higit sa health care.

Ani Go, mas dapat mamuhunan ang gobyerno sa kalusugan sa panahon ngayon lalo’t hindi tayo nakasisiguro sa hinaharap sa mga dumarating na iba’t ibang sakit katulad ng pandemya ng COVID-19.

Isa siya sa co-author at co-sponsor ng Senate Bill No. 2200, mas kilala bilang Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act.

Ang panukalang batas ay layong magbigay ng komprehensibong suporta sa kalusugan ng kaisipan para sa mga kabataan sa pangunahing sistema ng edukasyon ng bansa.

Iuutos sa pribado at pampublikong paaralan na isama ang edukasyon sa kalusugan ng kaisipan at mga serbisyo ng suporta sa kanilang kurikulum.

Bukod dito, itinulak din ni Go ang pagpasa ng kanyang SBN 1786, na naglalayong utusan ang mga pampublikong institusyong pang-edukasyon na magtatag ng mga mental health offce sa kanilang mga kampus. RNT