Home HOME BANNER STORY Metrom Manila nakahanda na vs hagupit ng Super Typhoon Bavi – MMC

Metrom Manila nakahanda na vs hagupit ng Super Typhoon Bavi – MMC

3
0

MANILA, Philippines – Naghahanda na ang Metro Manila sa posibleng epekto ng Super Typhoon Bavi, na maaaring pumasok sa Philippine Area of Responsibility sa huling bahagi ng Martes o madaling araw ng Miyerkoles, ayon kay San Juan City Mayor Francis Zamora, pangulo ng Metro Manila Council.

“Kasalukuyang nasa Guam na po ito, at base po sa reports, napakalakas ng hangin na dala nito. Talagang inaabangan natin ang pagdating ng super typhoon,” ani Zamora nitong Linggo sa panayam sa radyo.

Sinabi ni Zamora na naghahanda na ang mga alkalde sa Metro Manila at nakatakda silang makipagpulong sa Metropolitan Manila Development Authority sa Lunes o Martes para sa karagdagang koordinasyon.

“Meron naman tayong usual protocols pagdating diyan. Hindi naman po iba sa atin ang mga malalakas na bagyo. Ang ating mga mayors sa Metro Manila, alam na rin po ang mga paghahanda na gagawin,” aniya.

Kabilang sa paghahanda ang pagtitiyak na gumagana ang mga pumping station, pagpoposisyon ng emergency response equipment, at pakikipag-ugnayan sa Department of Social Welfare and Development para sa karagdagang food boxes kung kakailanganin.

“Of course, we also have to ensure that our drainage systems are clean, upang makadalaw po ang tubig po natin. Kung malakas ang ulan na magiging dala po nito, kinakailangan dumaloy po ito sa ating mg drainage systems, ating mga waterways, mga ilog, mga creek,” ani Zamora.

“Ito po ‘yung paghahanda na ginagawa po natin ngayon, at talagang nagmo-monitor po tayo. It’s still not yet within the Philippine Area of Responsibility, pero ‘yung track nga niya ay papunta sa atin,” dagdag niya.

Inaasahan ding tatama ang Bavi sa Guam at Northern Marianas, kung saan lumikas na sa evacuation centers ang ilang residente. Inilarawan ng National Weather Service ang bagyo bilang “very dangerous” at nagbabala sa “tropical storm force” winds, posibleng “catastrophic” damage malapit sa sentro nito, matinding pagbaha, coastal inundation, at mga alon na maaaring umabot sa 35 talampakan o 10.7 metro. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here