DAVAO CITY – Sinabi ni Vice President Sara Z. Duterte na tanging ang kanyang asawang si Manases Carpio ang makakasagot sa mga alegasyon laban sa kanya.
“Napag-usapan namin ito at kung ano man ang isyu na idiniin sa kanya, siya lang ang makakasagot,” ani Duterte sa isang panayam sa isang book donation drive sa Davao City Library.
“Same with me, if there are issues involving me, ako lang ang sasagot niyan,” dagdag pa niya nang hingan ng komento ukol sa sinabi ni dating Bureau of Customs intelligence officer Jimmy Guban na ikinokonekta ang asawa ng bise presidente, kanyang kapatid na si Davao City 1st District Rep. Paolo Duterte, at dating presidential economic adviser Michael Yang sa smuggling ng P11 bilyong halaga ng shabu sa Manila International Container Port noong 2018.
Katulad nito, sinabi ni Duterte na hindi siya maaaring magsalita para sa kanyang kapatid.
“Naiintindihan ko na naglabas din siya ng isang pahayag upang sagutin ang isyu,” sabi ng Bise Presidente.
Itinanggi ni Rep. Duterte sa isang hiwalay na pahayag na kilala niya si Guban at iginiit na wala itong mga transaksyon sa kanya.
“Hindi ko siya kilala [Guban] at sigurado akong hindi rin niya ako kilala,” aniya.
Noong Biyernes, ginawa ni Guban ang kanyang rebelasyon sa pamamagitan ng affidavit na binasa niya sa imbestigasyon ng House quad committee sa mga link ng Philippine online gaming operators sa illegal drug trade at ang extrajudicial killings na nauugnay sa war on drugs ng administrasyong Duterte.
Sinabi ni Guban na si Davao City Councilor Nilo Abellera Jr. ang nagpakilala sa kanya sa smuggling operation noong unang bahagi ng 2017.
Inilarawan ni Abellera ang kanyang sarili bilang “business partner and trusted man” nina Rep. Duterte, Carpio at Yang, isang Chinese businessman at kilalang kasama ng pamilya Duterte. RNT