MANILA, Philippines- Kinumpirma ng Bureau of Animal Industry nitong Biyernes na ang mga baboy na naharang sa isang checkpoint sa Quezon City noong Huwebes ay nagpositibo sa African swine fever (ASF).
Sinabi ni Agriculture Assistant Secretary for Swine and Poultry Dante Palabrica na dalawang truck na naghahatid ng 87 at 14 baboy ang naharang sa isang checkpoint sa Mindanao Avenue.
Nagpositibo ang mga baboy mula sa unang truck sa ASF habang ang mga sakay ng isa pang truck ay nagpakita ng clinical symptoms ng virus.
“The blood tests showed the hogs are positive for the ASF virus, so we have no choice but to condemn them and dispose of their carcass at the central burial site we have identified,” pahayag ni Palabrica sa isang press release.
Aniya, kapwa mula sa Sariaya, Quezon, ang mga truck at patungo sa Pangasinan.
Nagpresenta ang mga driver ng dalawang truck ng pekeng health certificates at shipping permits.
Samantala, kinumpirma ni Batangas Governor Hermilando Mandanas na patuloy ang pagkalat ng ASF sa lalawigan.
Hanggang nitong Biyernes, 352 hog farms sa mga bayan ng Lobo, Lipa, Lian, Rosario, Calatagan, Talisay, San Juan, Tui, Balayan at Malvar ang apektado na ng virus.
Hiniling niya sa national government ang agarang interbensyon.
“We cannot dilly dally kasi talagang mauubos yan and it will spread,” giit ni Mandanas.
Nitong Martes, sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel na naglaan sila ng 10,000 bakuna para sa Batangas. RNT/SA