MANILA, Philippines- Nakikipag-ugnayan na ang Department of Justice (DOJ) at Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) sa Philippine National Police at DSWD Region 11 para magbigay ng komprehensibong suporta sa mga nasagip sa loob ng compound ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) na biktima umano ng human trafficking.
Sa kalatas, tiniyak ng DOJ at IACAT na tutulong sila sa pagbuo ng ‘airtight case’ laban sa mga mapatutunayang may kinalaman.
Umapela rin ang DOJ at IACAT sa mga miyembro ng KOJC na makipagtulungan sa mga awtoridad sa patuloy na pagsisilbi ng warrant at pagsagip sa iba pang mga posibleng biktima.
Hinikayat din nila ang iba pang mga biktima o mga kaanak na magsumbong sa awtoridad dahil hindi ito ang unang pagkakataon na may mga ulat ng human trafficking sa KOJC.
Una nang inihayag ng Police Regional Office sa Davao region na nailigtas nito ang isang babae at lalaki na hindi pinapalabas sa compound ng Kingdom of Jesus Christ.
Ang dalawang nasagip ay mga miyembro ng KOJC na taga-Eastern Samar at taga-Midsayap, Cotabato.
Itinanggi kamakailan ng legal counsel ng KOJC na si Atty. Israelito Torreon na biktima ng human trafficking ang dalawa. Teresa Tavares