Home OPINION MGA ‘CABEZA DE BARANGAY’ PALDO SA 1st DISTRICT NG BATANGAS

MGA ‘CABEZA DE BARANGAY’ PALDO SA 1st DISTRICT NG BATANGAS

KUNG sa Maynila ay namumutiktik ang mga barangay chairman sa kanilang kaliwa’t kanang tinatanggap mula sa kanilang mga kandidatong alkalde at kongresista, mas higit sa unang distrito ng Batangas sapagkat kaliwa’t kanan din ang suksok nila ng mga pamasko at pampalubag-loob mula sa mga kandidato mula sa gobernador, kongresista at mayor.

Saan ka pa? Hindi naman halata kung ang ilan sa mga ‘cabeza de barangay’ na ito ay magdoble-kara o iyong tipong tumatanggap sa padrino nila pero iginagapang din ang kalaban na nagbibigay sa kanila ng mas malaking halaga.

Bakit nga hindi? Matatanggihan ba nila ang mga patawag ng mga kandidato sa pagkagobernador tulad nina Star for all season Vilma Santos-Recto, Padre Garcia former Mayor Michael Angelo Rivera, Barangay Captain Walter Ozaeta at Mataas na Kahoy Vice Mayor Jay Manalo Ilagan.

Para sa kaalaman ng nakararami, pawang gumagastos ang mga kandidatong ito at naglalambing sa mga barangay captain.

Lalong hindi kayang talikuran ng mga barangay chairman ang mga kandidato sa kongreso na sina Incumbent 1st District Representative Eric Buhain at challenger young business tycoon Leandro Legarda Leviste. Parehong nagtapon umano ng pera ang dalawa kaya naman walang itulak kabigin sa kanila ang mga cabeza de barangay.

Natataranta ang mga ito kung sino ang kanilang susuportahan dahil nga naman sa laki ng natatanggap na “paambon” o “pakimkim” sa nagpapaligsahang nais na maupo sa kongreso.

Eh paano pa ang “pamudmod” ng mga tumatakbong alkalde sa kani-kanilang bayan? Wow! Ang sabi ng mga residente na kanilang nasasakupan. Hanggang takam na lang ba? Mukha kasing ayaw bahaginan ng mga Kapitan del Barrio ang kanyang mga kagawad at iba pang opisyales kaya pumipiyok ang mga ito.

Malamang, sa halalan na magkakaalaman kung sino ang tapat kay Kapitan. Kung hindi nga naman niya inabutan man lang kahit barya ang kanyang mga kasama sa barangay paano siya susuportahan ng mga ito sa kampanyahan at halalan?

Dapat, mamahagi ang mga chairman nang sa ganoon ay manalo ang kanyang minamanok. Sabagay, madalas, nagkakabukingan kung magkano ang napunta kay Kapitan kapag tapos na ang halalan.

Pero sa ngayon, hanggang inggit lang ang magagawa ng mamamayan sa mga kapitan na ayaw mamahagi ng biyaya sa kanyang nasasakupan.

That’s life! Antayin na lang ang bawi ng pagkakataon at panahon.