MANILA, Philippines- Idineklara ng Malakanyang ang araw ng Huwebes, Enero 9, 2025, bilang special non-working day sa Lungsod ng Maynila para sa pagdiriwang ng Pista ng Itim na Nazareno.
Nakasaad ito sa ipinalabas na Proclamation No.766 na pinirmahan ni Executive Secretary Lucas Bersamin, may petsang Enero 3 na may pahintulot naman ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ginawa ni Pangulong Marcos ang nasabing deklarasyon “in order to ensure orderly procession of devotees and to facilitate the flow of traffic,” at tugon na rin sa kahilingan ng city government.
May ilang aktibidad naman na naka-iskedyul para sa Feast of the Jesus Nazareno. Kabilang na rito ang ‘visitations’ na kasalukuyang nagpapatuloy mula Enero 1 hanggang 6, na may kasamang First Friday Masses noong Enero 3 at isang special Mass for volunteers sa Enero 6.
Ang tradisyunal na pahalik (kissing of the image) ay isasagawa mula Enero 7 hanggang 9.
Isang overnight vigil at programa naman ang magsisimula sa gabi ng Enero 8 at magpapatuloy hanggang sa umaga ng Enero 9.
Sa Enero 9, pangungunahan ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang midnight Mass bago pa ang Traslacion, isang grand procession na dinadaluhan ng milyong mga deboto. Kris Jose