Home OPINION NAPAAGANG PAGGUHO NG IMAHE NG BBM-SARA

NAPAAGANG PAGGUHO NG IMAHE NG BBM-SARA

DALAWANG taon na ang nakalipas matapos ang Elections 2022. Kumustahin n’yo ang Marcos-Duterte tandem, na ngayon ay masalimuot nang pinaghiwalay ng mga alon, kung hindi man ng mismong karagatan.

Ang ipinangako nilang pagkakaisa at progreso ay umani ng nakalulula sa laki na tiwala ng publiko, sobrang patok kaya naman naiwan na sa kangkungan ang kanilang mga nakalaban. Katatapos lang ng 2024 at sa kasalukuyan, hindi maganda ang numero ng ratings nina President Bongbong Marcos at Vice President Sara Duterte.

Sa paglala ng disgusto at galit nila sa isa’t isa sa nakalipas na mga buwan, kasabay na lumagapak ang kanilang trust ratings: si Marcos, mula sa 64% noong Hulyo ay nasa 54% na nitong Disyembre; at si Duterte, ang dating 65% ay 52% na sa parehong panahon.

Hindi lamang simpleng pagkadismaya ng publiko ang ipinahihiwatig ng direksyon ng tuluy-tuloy nilang pagbulusok, kundi ang paglalaho ng mismong kumpiyansa at tiwala sa kanila na dahilan ng pagkakaluklok nila sa puwesto. Naghuhumiyaw ang kanilang mga kapalpakan. Tumaas ang inflation, nabalahaw ang paglikha ng trabaho, at lumala at namayagpag lalo ang korapsyon.

Sa halip na tugunan ang mga problemang ito, pinili nilang haluan ng pulitika ang bawat usapin, binigyang kapangyarihan ang kani-kanilang loyalista, habang patuloy na lumalalim ang alitan sa pagitan nila. Pinaralisa nang paghihiwalay na ito ang pamamahala sa gobyerno, kaya naman ang kanilang administrasyon, nagmistulang trahedya ng mga sinayang na oportunidad at malalim na hidwaang pulitikal.

Napalilibutan ng mga nagsisipsip sa kanya at ng mga makasariling oportunista, hindi man lang kumilos si Marcos upang magbigay-halimbawa sa kanyang mga opisyal. Nagpapasasa ang kanyang mga kaalyado sa pagsasamantala sa mga pribilehiyo, habang mga Pilipino ang nagdurusa sa mataas na presyo ng mga bilihin at kinakapos ng oportunidad.

Si Duterte, na dating kinikilala bilang makapangyarihang puwersa, ay nahaharap ngayon sa tatlong impeachment complaints dahil sa umano’y maling paggamit ng confidential funds. Ang kanyang mga nakapangingilabot na pahayag at pagtangging makipagtulungan sa mga imbestigasyon ay lalo lamang nagpaigting sa panawagang magkaroon ng pananagutan sa nangyari.

Tama ang paglalarawan ng political analysts sa 2024 bilang taon ng mga naunsyaming reporma. Naisantabi ang mga sektor ng edukasyon, kalusugan, at trabaho — pawang mahalaga sa pagpapaunlad ng bansa — dahil sa pamamayagpag ng mga eksenang pulitikal.

At ngayong papalapit na ang mid-term elections, bilyun-bilyon ang nasasayang sa patronage politics habang dedma naman sa sistematikong pagbibigay-solusyon. Binibigyang-diin ng maling pamamahala na ito, hindi lamang ang kawalang kakayahan ng mga nasa pwesto, kundi maging ang pangunahing kawalan ng paghahanda para sa mga susunod na taon.

Hindi maiiwasan ang alitan sa pagitan nina BBM at Inday Sara. Nahaharap si Duterte sa serye ng impeachment ngayong 2025, at mukhang malabo siyang maprotektahan ng kumakaunti niyang kaalyado sa Kongreso.

Sa kabilang banda, masasaksihan naman ni Marcos ang pananabang ng kapalaran ng kanyang mga kaalyado pagdating sa halalan, dahil ang mga botante — na dating pinasigla ng ‘star power’ ni Duterte — ay magbabaling ng kanilang galit sa mga kandidatong kanyang ineendorso.

Maliwanag ang mensahe sa dalawang pangunahing lider ng bansa: ang tiwala ay isang pribilehiyo, hindi ginagarantiya. Pareho silang bigong kontrolin ang pagkagahaman ng kani-kanilang mga kaalyado, at pareho ring limitado ang kanilang mga termino. Sa 2025, magiging madali na lang na bansagan bilang ‘sitting ducks’ ang dating magka-tandem na ito hanggang sa magtapos ang kanilang mga termino sa 2028.

* * *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).