Home HOME BANNER STORY Mga debotong umaakyat sa andas ng Nazareno, nagpabagal sa Traslacion

Mga debotong umaakyat sa andas ng Nazareno, nagpabagal sa Traslacion

MANILA, Philippines – Nagdulot ng pagbagal sa pag-usad ng Traslacion ang pag-akyat ng mga deboto sa andas lulan ang imahe ng Poong Hesus Nazareno, ayon sa Manila Police District (MPD) nitong Huwebes, Enero 9.

“Ayon sa report sa atin, approaching na ng Maria Orosa along Burgos Drive [ang Traslacion],” sinabi ni MPD Director Police Brigadier General Arnold Thomas Ibay sa panayam ng GMA News.

“Tuloy-tuloy naman ang usad, kaya lang marami pa ring nag-aattempt na sumampa,” dagdag pa.

“Hindi natin mapigilan ang kanilang pagsampa at sumasalubong na siyang nagpapabagal sa daloy ng ating prusisyon,” sinabi pa ni Ibay.

Matatandaan na nagsimula ang Traslacion 4:41 ng umaga kung saan umalis ang andas sa Quirino Grandstand sa Maynila.

“Kanina pagka-alis sa Quirino Grandstand, nagtagal po kasi nabalaos (nabalaho) Siya. Naharang ng maraming deboto natin. Nagtagal sa may tapat ng Station 5. Pero nu’ng nakalabas na doon, nakaalis sa pagkabalaos doon, tuloy-tuloy na sa Roxas Boulevard corner Katigbak. Kaya lang marami ulit sumalubong na deboto doon kaya bumagal ulit ang pag-andar,” anang opisyal.

Patuloy naman sa pagpapaalala ang mga miyembro ng Hijos del Nazareno sa mga deboto na huwag nang umakyat sa andas.

“‘Yun ang napag-usapan at ‘yun ang naririnig natin kasi meron naman silang megaphone at ‘yun ang ginagamit nila sa pakikipag-usap o pagsaway dito sa mga pumipilit na sumampa,” dagdag ni Ibay.

Sa huling ulat ay nasa bahagi na ng Ayala Boulevard sa Maynila ang andas ng Poong Hesus Nazareno. RNT/JGC