MANILA, Philippines – Hindi dadalo sa susunod na pagdinig ng Senado kaugnay sa pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, ang mga miyembro ng gabinete ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sinabi ni Senador Imee Marcos nitong Martes, Abril 1.
Ani Imee, sumulat sa kanya si Executive Secretary Lucas Bersamin at kay Senate President Francis Escudero para sabihin na gagamitin nila ang kanilang executive privilege na huwag dumalo sa pagdinig ng
Senate Foreign Relations Committee bukas, Abril 3.
Ito ay sa kabila ng pahayag ng Palasyo na hindi nito pipigilan ang mga opisyal na dumalo sa imbestigasyon.
“Sino ba ang dapat sundin? Hindi tugma ang sinasabi ni Executive Secretary Bersamin at ni Pangulong Marcos,” ani Sen. Marcos.
“Hindi pwedeng may kanya-kanya silang desisyon. Para saan pa ang salita ng pangulo kung hindi naman pala nila susundin?” dagdag pa niya.
Umaasa ang senadora na ikokonsidera ng mga miyembro ng gabinete ang kanilang hindi pagdalo sa susunod na hearing.
“Kasi sayang naman ang pagkakataon, maririnig ng tao kung ano talaga nangyari. Kung nagkamali ako, tatanggapin ko naman. At mas maganda yung nagkakaliwanagan. Kasi ‘pag hindi sumisipot, ang duda ng tao may tinatago,” aniya.
“Kasi kung pwedeng damputin n’yo lang sa Pilipinas, e paaano naman sila nasa labas. At saka kung may kaso sila, may pag-asa pa ba sila iuwi,” dagdag ni Imee.
“Given the extensive disclosures made, we believe that further participation may no longer be necessary at this time, especially considering that the Honorable Chairperson has publicly relayed her comprehensive findings thereon,” saad naman sa liham ng Palasyo.
“We reiterate our position on the extent of executive privilege in these proceedings, which we detailed in our letter of 20 March 2025. We believe that all matters not covered by executive privilege have already been extensively discussed,” dagdag nito. RNT/JGC