Home OPINION MGA HALIMAW SA PNPA

MGA HALIMAW SA PNPA

123
0

HABANG nahaharap ang bansa sa maraming krisis, may mga siraulo namang nais maging opisyal ng Pambansang Pulisya ng Pilipinas ay abala sa paggawa ng kabulastugan sa kanilang mga magiging kabaro sa gitna ng kanilang pagsasanay.

Tatlong second-year cadets ng Philippine National Police Academy ang inaresto noong Abril 7 at posibleng masipa sa akademya matapos masangkot sa tortyur o hazing sa 22 plebo sa loob ng PNPA camp noong Abril 3.

Inilarawan ang ginawa ng mga kadete sa mga mas bata sa kanilang kadete na kasuklam-suklam. Binuhusan ng mga tarantado ng liquid sosa na may kasamang asido ang likod at ari ng mga biktima.

Ginagamot ngayon ang 22 plebo, karamihan ay nagtamo ng mga paso o pagkalusaw ng balat dahil sa asido. Nasa kustodiya na ng PNP ang tatlong suspek na kinasuhan ng paglabag sa Republic Act 11053 o Anti-Hazing Act of 2018. May iba pang natukoy na kasabwat ang tatlo.

Bukod sa kanila, kakasuhan din ang ilang nakatataas sa PNPA dahil sa kanilang kapabayaan sa nangyari. O baka direktang alam din ng mga ito ang insidente at iyan ang masusing sinisiyasat sa ngayon

Aba’y sobrang nakapagago ng mga suspek na kadete para buhusan ng asido ang ari ng kanilang junior class. Hindi lang nila gustong pahirapan ang mga biktima, tila nais nilang alisan ng karera o mamatay ang mga ito. Kasuklam-suklam talaga.

Bakit ba may mga ganitong tao na halimaw ang asal na nangangarap maging opisyal ng pulisya? Ganito ba ang itinuturo sa kanila ng kanilang mga instructor sa akademya? Ang masamang halimbawa ng pagkahalimaw na ipinakita ng mga kadete ay hindi nakatutulong sa pagbuo ng mabuting imahe para sa PNP.

Ang mga miyembro ng PNP ay dapat nagpatutupad ng batas at nagpaiiral ng katarungan. Subalit napakaraming kaso ng mga pulis na lumalabag sa iba’t ibang klase ng batas.

Maraming pulis na nasasangkot sa mga organisadong krimen, tulad ng carjacking, kidnapping for ransom, bank robbery at drug trafficking. May ilan din na kinasuhan ng rape, maging ng pang-aabuso kahit sa mga kasamang babaeng pulis.

May mga inakusahan ding mga pulis ng tortyur at iba pang paglabag sa karapatang pantao.

At sa ipinakikitang kagaguhan ng mga kadete pa lamang, hindi na nakagugulat na patuloy ang pag-usbong ng mga maling gawain sa Pambansang Pulisya.

Kung sa pagsisimula ng kanilang karera ay ganito na sila magpakita nang hindi makataong kalupitan, paano na kapag naging opisyal sila ng PNP? Ano pa ang kaya nilang gawin? Kawawa naman tayong mga sibilyan na dapat nilang paglingkuran.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here